Tumakas palabas ng bansa si Jeane Catherine Napoles matapos siyang kasuhan ng money laundering sa Amerika, kamakailan.

Ito ang ibinunyag kahapon ni Department of Justice (DoJ) Secretary Menardo Guevarra matapos kumpirmahin sa kanya ng Bureau of Immigration (BI) na wala na sa Pilipinas ang anak ng umano’y mastermind sa pork barrel fund scam na si Janet Lim-Napoles.

“Catherine left last July 27,” pahayag ni Guevarra sa mga mamamahayag.

Gayunman, sinabi ng kalihim na hindi na nagbigay ng karagdagang impormasyon ang BI sa pinuntahan ni Jeane Catherine.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Nitong Miyerkules ay inihayag ng US-Department of Justice (DoJ) na hihingi ito ng tulong sa Pilipinas upang i-extradite sa kanila si Jeane, kasama ang ina nito, matapos silang isakdal ng federal grand jury ng Conspiracy to Commit Money Laundering, Domestic Money Laundering at International Money Laundering kaugnay na rin ng pondong pinaniniwalaang ginamit sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam.

Bukod kay Jeane, kinasuhan din ang magkapatid na Janet at Reynald Luy Lim; asawa ni Reynald na si Ana Marie Lim; at ang mga anak ni Napoles na sina Jo Christine at James Christopher.

Kabilang din sina Janet, Jo Christine at James Christopher sa nahaharap sa patung-patong na kaso sa Sandiganbayan kaugnay ng pork barrel scam.

Matapos kumpirmahing nasa bansa pa ang mag-asawang Reynald at Ana Marie, inamin ni Guevarra na walang kapangyarihan ang DoJ na pigilan ang sinumang aalis sa bansa nang wala pang kinakaharap na kaso sa korte.

Kasalukuyang nakapiit si Janet sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.

Matatandaang ibinasura na ng Court of Tax Appeals (CTA) ang P17-milyong tax evasion case na kinakaharap ni Jeane.

-Jeffrey Damicog