ANG “No-el” o planong ‘no-election’ na isinusulong ni dating Speaker Pantaleon Alvarez, ay naisantabi na ngayon. Nitong nakaraang Martes, sinabi ni newly elected House Majority Leader Rolando Andaya na naglaan ang Kamara ng kabuuang P18 bilyon para sa halalan sa 2019.
Isang bagong alokasyon na anim na bilyon, aniya, ang idinagdag sa panukalang P3.757 trilyon na pambansang budget na inihain ng administrasyong Duterte para sa 2019. Ang bagong halagang ito ang idadagdag sa P12.4 bilyon na aprubado na para sa kasalukuyang 2018 budget, na gagamitin ng Comelec para sa mga paghahanda sa halalan sa susunod na taon.
Dapat na itong tumapos sa mga kritiko ng administrasyong Duterte na nagsasabing mababasura lamang ang mid-term election, ani Andaya. Sa totoo lang, masasabing naging seryosong posibilidad lamang ang “no-el” nang isulong ito ni dating speaker Alvarez, na sinabing kailangan ito ng Kongreso upang mabigyan ng mas mahabang panahon ang Consituent Assembly sa pabuo ng bagong Konstitusyon.
Ang pangyayaring ito ang maaaring naging dahilan ng pagkakatanggal sa kanya bilang speaker. May iba ring mga rason ang mga miyembro ng Kamara kung bakit nais nila ng bagong pinuno—naiulat na nararamdaman umano nila na tila binabalewala sila ng speaker at ng maliit na grupo ng mga pinuno ng Kamara. Ngunit ang kanyang paninindigan sa pagpapaliban ng halalan—ang pinaka hindi kilalang hakbang na pambansa— na nagbigay daan sa hakbang ng malaking mayorya ng mga miyembro ng Kongreso upang magluklok ng bagong speaker, si Pamapanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo.
Sa Senado, muling ipinagpatuloy ng Commitee on Electoral Reforms and People’s Participation ang pagdinig sa panukala para sa “hybrid” na eleksiyon bilang tugon sa mga katanungang inilalatag laban sa kredibilidad ng fully automated election. Ang mungkahing “hybrid” na halalan ay nananawagan para sa manu-manong bilangan ng boto sa mga presinto, kasama ng elektronikong pagpapasa ng resulta mula sa mga presinto papunta sa mga probinsiyal na sentro kung saan elektronikong pinagtitibay ang mga boto, kasunod ng pagpapadala sa pambansang sentro—ang Commission on Election para sa pagtatala ng boto sa pangulo at pangalawang pangulo .
Ang dating sistema ng manu-manong halalan ay pinalitan noong 2010 ng awtomatikong eleksiyon para maiwasan ang mahabang panahon ng paghihintay sa pinal na resulta ng eleksiyon, ngunit ang pandaraya, na nagyayari sa mga presinto, ay maaari nang gawin ng “pakyawan” gamit ang automation, ayon kay Senate President Sotto. Inilarawan naman ni Senador Cynthia Villar ang pananaw ng ibang senador ng sabihin niyang pabor siya sa “hybrid” na eleksiyon. Ang mga kandidato at mga tagasuporta nito, aniya, “can see results on the precinct level, so if there will be mistakes in transmission, there will be basisi for the questions.”
Sinabi ng Pangulo ng Senado na si Vicente Sotto III na baka masyadong huli na para magpalit sa “hybrid” sa 2019 halalan. Malamang, aniya, na magagamit ito para sa eleksiyon sa 2022 na pipili sa susunod na pangulo at pangalawang pangulo kasama ang 12 senador.
Nakatutuwang makita na mayroon tayong hakbang para sa pagpapaunlad ng ating sistema ng halalan, na siyang ubod ng ating demokrasiya. Ang “No-el” ay isang pagkaligaw na agaran nating iwinaksi para sa pag-asang maging aral ito sa mga naghahangad na pakialaman ang pangunahin nating karapatan bilang mamamayan.