ARESTADO ang dating child actor na si CJ Ramos makaraang makorner sa buy-bust operation sa Quezon City nitong Huwebes ng gabi.

CJ (Kuha ng ABS-CBN)

Napanood sa mga pelikulang Tanging Yaman at Ang TV Movie: The Adarna Adventure, dinakip si Cromell John “CJ” Ramos, 31, sa umano’y pag-iingat ng isang plastic sachet na may hinihinalang shabu. Iprinisinta siya kahapon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Guillermo Eleazar sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.

Inaresto ng mga operatiba ng Caloocan City Police-Station Drug Enforcement Unit (SDEU) si CJ makaraang bumili umano ng droga sa pangunahing target ng buy-bust na si Louvella Gilen, 36, hinihinalang tulak, sa Tandang Sora, Quezon City, dakong 10:50 ng gabi.

Tsika at Intriga

Negosyo, nalugi! Ken Chan, 'di raw tinatakbuhan isinampang kaso sa kaniya

Una nang naaresto si Gilen sa isa pang buy-bust operation matapos magbenta umano ng P500 halaga ng shabu sa pulis na poseur-buyer. Sinabi ni Eleazar na kinontak umano ni CJ si Gilen para bumili umano ng droga kaya ikinasa ang entrapment operation.

“It was only after the operatives arrested the subject that they thought he looked familiar. It turns out he was an actor,” sabi ni Eleazar.

Inamin naman ni CJ na gumagamit siya ng droga may 10 taon na ang nakalipas, o simula noong 21 anyos siya. Sinabi niyang ang paggamit niya ang droga ang naging dahilan ng pagkawala ng kanyang career sa showbiz.“Matagal na rin po akong gumagamit. Humihingi po ako sa parents ko, hindi po nila alam,” sabi ni CJ, na kalaunan ay napaiyak na.

Tinanong siya kung paano siya nasadlak sa paggamit ng droga.

“Siguro dahil sa hirap ng buhay, problema, tsaka sobrang addictive talaga itong droga. Nabiktima lang din po ako, pero ang problema nagpapabiktima tayo sa bisyo,” ani CJ.

Kuwento niya, isang taon siyang huminto sa paggamit ng droga, subalit hindi siya nakatiis at kalaunan ay binalikan din niya ang kanyang bisyo. Gayunman, nilinaw ni CJ na hindi siya gumagamit ng droga noong nag-aartista pa siya. Aniya, umalis siya sa showbiz noong 15-anyos siya, pero napanood pa rin sa isang TV show noong nakaraang taon. Apat na taon si CJ nang mag-artista.

Sinabi rin ni CJ na wala siyang kilalang kapwa artista na gumagamit din ng droga.

Pero sinabi ni Eleazar na may listahan ang NCRPO ng mga celebrity na pinaghihinalaang sangkot sa droga.

“We need further validation before we can conduct an operation,” ani Eleazar.

May mensahe naman si CJ sa mga kapwa niya artista na sangkot sa ilegal na droga.

“’Wag n’yo na subukan. Kung may chance pa kayo, itigil na ninyo. Basta ako nahihirapan ako. ‘Di na ako magda-drugs kahit kailan.

“Natakot din po ako. Buti humihinga pa ako ngayon. Kung papayagang magpa-rehab, okay ako, dahil hindi pa naman ako nakakapagpa-rehab,” ani CJ.

Humingi rin ng paumanhin si CJ sa kanyang mga magulang sa nangyari.

Nilinaw naman ni Eleazar na wala sina CJ at Gilen sa watch list ng NCRPO.

Kinasuhan na ang dating child actor ng paglabag sa Section 11 ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act, habang paglabag naman sa Section 5 ng kaparehong batas ang hinaharap ni Gilen.

Kapwa nakakulong sa Caloocan City Police Station ang dalawa.

-MARTIN A. SADONGDONG