SA Hawaii Islands pala nag-shoot ang pelikulang The Day After Valentine’s, na balik-tambalan nina JC Santos at Bela Padilla, sa panulat at direksiyon ni Jason Paul Laxamana, produced ng Viva Films.
Kung hindi pa ito nabanggit ni Direk JP (tawag kay Jason Paul) ay hindi namin malalaman dahil walang bakas na sa ibang bansa pala sinyut ang pelikula.
Katwiran sa amin ng nakausap naming Viva executive, kinuhanan sa Hawaii ang pelikula “para refreshing, maiba naman.”
May punto rin naman, kaya lang sa ganang amin ay hindi ba nasayang ang pagpunta sa Hawaii kung hindi rin lang masyadong na-explore o ipinakita kung saang lugar ang magandang beach na ito.
Hirit ulit namin sa Viva executive, bakit hindi na lang sa mga beach dito sa ‘Pinas kinunan ang pelikula, tulad ng Palawan.
“Maraming beses na ro’n,” kaswal na sagot sa amin.
O kaya sa Amanpulo, mas maganda at hindi pa ito masyadong napagsyu-syutingan ng local films.
“Ay, masyadong mahal naman kung doon, mas mura ang Hawaii,” sagot ulit sa amin.
Anyway, kaya kailangan sa Hawaii ang shooting ay dahil tagaroon si JC, base sa kuwento ni Direk Paul, at ang pangalan daw ng island ay Lanai. Sinabi ng direktor na sobrang nagustuhan niya ang lugar dahil nanggaling na siya roon tatlong taon na ang nakararaan, dahil naimbitahan siyang resource speaker sa pelikulang isinulat niya.
“Na-surprise ako sa resort kasi napakaganda, and there’s a private community there. So pinagarap kong makapag-shoot doon, kaya nu’ng dumating itong pelikula (The Day After Valentine’s), talagang isinama ko sa pelikula,” katwiran ni Direk JP.
Nabanggit din ng direktor na dahil maganda ang resulta sa box office ng 100 Tula Para kay Stella ay sinabihan siya ng Viva management na may follow-up ang JC at Bela tandem kaya nabuo ang The Day After Valentine’s, na sinadyang isama sa 2018 Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP).
Base sa mga nakapanood na ng pelikula, sobrang malungkot daw ang kuwento nito kumpara sa 100 Tula Para kay Stella.
E, di mas nakakaiyak pala ito kaysa sa unang pelikula nina JC and Bela?
Anyway, abangan ang The Day After Valentine’s, simula sa Agosto 15.
-Reggee Bonoan