HINDI binigo ng tatlong teenage professional Filipino cyclists ang sapantaha ng mga tagasuporta nang makumpleto ang Prudential RideLondon Surrey 46 kamakailan sa London, United Kingdom.
Naitala nina Philippine National Road Race Under-23 Champion Ismael Grospe, Jr. (19-anyos), Aidan James Mendoza (19) at Genesis Maraña (17), ang kabuuang oras na 03:05:44 sa karera na nagsimula at umikot sa kabuuan ng Queen Elizabeth Olympic Park at natapos sa The Mall sa harap nang makasaysayang Buckingham Palace.
Kabilang ang TATLO SA 4,500 riders mula sa iba’t ibang bansa na nakilahok sa 46 miles race. Ang Prudential RideLondon Surrey 46 ay isang intermediate category na bukas para sa mga siklistang may edad 16 pataas at wala pang karanasan para sa 100-mile ride challenge.
Ito ang ikatlong taon na nakikibaka ang mga Pinoy sa Prudential RideLondon, itinuturing pinakamalaking cycling festival sa mundo.
Kabilang din sa delegasyon ng bansa na nakilahok sa Prudential RideLondon Surrey 100 category sina Philippine National Road Race Champion Jermyn Prado, John Kenneth Cruz, Ryan Lamayo, Tetsuya “Jun” Minagawa, at Bertrand Dominique Teplitxky.