Patay ang isang barangay chairman nang pagbabarilin ng riding-in-tandem habang nakaupo sa tapat ng barangay hall sa Tondo, Maynila, kamakalawa.

PARA SA KAPAYAPAAN NG KALULUWA Nagtirik ng kandila ang mga residente ng Bgy. 100, Zone 100, District 8, sa Tondo kung saan ibinulagta ng tandem ang kanilang kapitan na si Joseph Moran, kamakalawa. (MANNY LLANES)

PARA SA KAPAYAPAAN NG KALULUWA Nagtirik ng kandila ang mga residente ng Bgy. 100, Zone 100, District 8, sa Tondo kung saan ibinulagta ng tandem ang kanilang kapitan na si Joseph Moran, kamakalawa.
(MANNY LLANES)

Isinugod pa sa ospital ngunit hindi rin naisalba ang buhay ni Joseph Moran, 57, bagong halal na kapitan ng Barangay 100, Zone 100, District 8, sa Tondo, dahil sa walong tama ng bala sa katawan.

Sa ulat ni PO3 John Bacud, ng Manila Police District-Crimes Against Persons Investigation Section (MPD-CAPIS), naganap ang insidente sa tapat mismo ng kanilang barangay hall, na matatagpuan sa Jacinto Street, kanto ng Road 10, sa Tondo, bandang 5:45 ng hapon.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sa kuha ng closed-circuit television (CCTV) camera sa lugar, nakaupo ang biktima sa isang monobloc chair at kausap ang kagawad na si Edwin Bade habang pinanonood ang mga estudyanteng nag-uuwian nang sumulpot ang ‘di pa nakikilalang mga salarin at pinagbabaril ang biktima.

Nakatayo at nakatakbo pa ang biktima, ngunit muli itong pinagbabaril ng mga suspek saka nagsitakas.

Sa isang panayam sa telebisyon, sa isang kaanak ng biktima, na tumangging magpabanggit ng pangalan, ang umamin na dating gumagamit ng ilegal na droga ang kapitan.

Inaalam na ang pagkakakilanlan at motibo ng mga suspek.

-MARY ANN SANTIAGO