MAS mabuting kaalyansa ang Hugpong ng Pagbabago kaysa PDP-LABAN, ayon kay Nacionalista Party Chair Senator Cynthia Villar. Ang Hugpong ng Pagbabago na pangrehiyon ay itinatag ng anak ng Pangulo na si Mayor Sara Duterte, samantalang ang PDP-LABAN ay siyang partidong ginamit ng Pangulo nang siya ay tumakbo sa panguluhan. Higit na mabait, kasi sa amin ito kaysa PDP-LABAN, aniya. Isinaalang-alang ng Senadora iyong ginawa sa kanya at kay Ilocos Norte Gov. Imee Marcos na pag-eendorso sa kanila ni Mayor Sara bilang kandidato sa pagka-senador para sa midterm election kahit wala silang pormal na alyansa sa partido nito. Sa kabilang dako, wala raw ipinakitang pagmamagandang loob ang PDP-LABAN sa kanila, sa halip, kahit na mayroon na silang pormal na alyansa, ni-recruit pa nito ang kanilang kapartido.
“Nakipag-isa kami sa PDP-LABAN dahil nang manalo si President Duterte, dalawa lang ang miyembro nito sa Kamara. Kaya dahil nais naming tumulong sa adminstrasyon ng Pangulo, makabubuti na makipag-alyansa sa PDP-LABAN. Pero, nang makita namin kung paano ang partidong ito ay lumaki, katunayan, 10 sa aming mga miyembro ang sumapi na dito, hindi na kami kailangan nila. Alyansa pa bang matatawag kung ang iyong partido ay kinukuhanan ng mga kasapi?”, sabi ng Senadora.
Bago itong balak ni Sen. Villar na sa Hugpong ng Pagbabago na makikiisa ang kanyang partido, nabiyak na ang PDP-LABAN. Pagkatapos bumagsak si Congressman Pantaleon Alvarez bilang Speaker at si Sen. Coco Pimentel bilang Senate President, may mga PDP-LABAN na nagpulong sa Amoranto Stadium, Quezon City at naghalal sila ng kanilang mga pinuno. Pinatalsik nila sina Alvarez at Pimentel.
Maagang nagigiba ang PDP-LABAN. Dalawang bagay ang nakikita kong dahilan. Una, may sarili itong simulain at programa bilang partido pulitikal. Ang problema, hindi dito ibinatay ang pangangalap ng kasapi. Ang lumobo lang ay ang mga miyembro. Kaya pinapasok sa partido ang mga pulitikong walang nalalaman o hindi nananalig sa isinusulong na adbokasiya. Ang tangi lang nilang hangarin ay kaginhawaan at benepisyong makukuha sa partido dahil nasa kapangyarihan nga ang namumuno nito. Ang ganitong uri ng pagkakaanib ay mabuway sapagkat kapag nakaramdam na ang mga sumapi na gutom na ang kanilang daranasin, hihiwalay na ang mga ito. Tulad ng mga paru-parung wala nang masisimsim na tamis at bango sa isang bulaklak, sa iba naman dadapo. Ganito ang nakikita ng mga kumakalas sa PDP-LABAN at lumilipat na sa Hugpong ng Pagbabago nang bumagsak na sina Alvarez at Pimentel. Ang wari nila ay wala na sa mga ito ang suporta ng Pangulo kundi nasa anak na niyang si Mayor Sarah.
Ikalawa, hindi naman partido ng Pangulo ang PDP-LABAN. Hindi naaayon sa simulain at prinsipyo ng PDP-LABAN ang mga pinairal niyang programa lalo na iyong war on drugs na pumapatay at ang hinggil sa West Philippine Sea. Tulad ng ibang mga pulitiko, na ang trato sa partido ay para lang sa ikabubuti nilang pansarili, ginamit lang ng Pangulo ang PDP-LABAN para sa kanyang kandidatura. Hindi magtatagal ang Hugpong ay magiging national party na magsusulong sa programa ng Pangulo.
-Ric Valmonte