Arestado ang isang doktor at live-in partner nito sa buy-bust operation sa Barangay West Crame, sa San Juan City, kamakalawa ng hapon.

Sa ulat na isinumite ni San Juan chief of police, Police Senior Supt. Bowenn Joey Masauding kay Eastern Police District (EPD) director, Police Senior Supt. Joel Bernabe Balba, kinilala ang mga suspek na sina Dr. Amante Ramos, alyas ‘Dok’, 59, surgeon sa isang pribadong ospital sa Tuguegarao, Isabela City, at residente ng 85 Rosas Street, Fairlane, Marikina City; at live-in partner niyang si Venus Angeles, 36, ng 45-A Road 10, 1st West Crame, Bgy. West Crame.

Base sa ulat, inaresto ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU), sa pangunguna ni Police Senior Insp. Edwin Malabanan, ang mga suspek dahil sa pagbebenta ng ilegal na droga sa isang poseur buyer sa 1st West Crame, bandang 2:15 ng hapon.

Una rito, isinailalim sa isang linggong surveillance ang mga suspek nang makatanggap ng report na ang doktor ay supplier ng ilegal na droga sa Bgy. West Crame.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Ayon kay Malabanan, ang nagbigay sa kanila ng impormasyon ay isang Tokhang surrenderer.

Sa pamamagitan ng text, nakipagtransaksiyon ang naturang impormante sa doktor.

Nagkasundo ang mga ito na magkita sa 1st West Crame at nang makabili ng P500 halaga ng shabu ay agad dinakip ang mga suspek.

Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek sa San Juan Police detention cell at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).

-Mary Ann Santiago