BINALAAN ni Pangulong Duterte ang mga nagtatago at kartel ng bigas sa kanyang State of the Nation Address (SONA) nitong Hulyo 23: “I now ask all the rice hoarders, cartels, and their protectors. You know I know who you are. Stop messing with people.... Consider yourselves warned. Mend your ways or the full force of the state will be brought to bear against you. I am directing all intelligence agencies to unmask the perpetrators of this economic sabotage and our law enforcement agencies to bring them to justice.”

Bigas ang isa sa mga produkto na hindi maaaring itaas ang presyo na lampas sa kakayahan ng pinakamahirap na Pilipino. Kaya ng industriya ng bigas sa Pilipinas na makapaglabas ng sapat para sa bansa, ngunit sa presyong mas mataas sa bigas na ani mula sa Thailand at Vietnam. Kaya naman, taun-taon pa rin tayong umaangkat ng murang bigas mula sa dalawang bansang ito sa pamamagitan ng National Food Authority (NFA), upang bawat tindahan ng bigas sa bansa ay magkaroon ng NFA rice na kalahati lamang ang presyo ng nangungunang uri ng komersiyal na bigas.

Isa pang sinasabing nasa likod ng mataas na presyo ng bigas—na sinasabi ng ilan na mas malaking salik--- ang pagmamanipula ng presyo ng mga rice cartel at mga hoarder. Inilalabas nila sa pamilihan ang kalkuladong bilang o dami ng bigas upang mapanatili nila ang mataas na presyo.

Isang linggo matapos ang banta ng Pangulo noong SONA, ibinahagi ni Philippine National Police (PNP) Director General Oscar Albayalde na sinimulan na ng PNP ang imbestigasyon sa ilang personalidad sa pamamagitan ng Intelligence group ng ahensya. Ang mga maaaresto, aniya, ay mahaharap sa kaso ng economic sabotage, na maaaring hatulan ng pinakamataas na parusa ng panghabambuhay na pagkakakulong at multa na doble ng halaga ng ipinuslit na produktong pang-agrikultura.

Pelikula

Pelikula nina Zanjoe, Daniel made-delay?

Marami nang naging babala ang pamahalaan hinggil sa manipulasyon ng supply at presyo ng bigas, kabilang ang ilan sa direktang tumutukoy sa mga smugglers, ngunit nawawalan ito ng saysay dahil sa suporta ng ilang makapangyarihang pulitiko gayundin ang magandang koneksiyon ng mga ito sa mundo ng negosyo.

Ang babala ng Pangulo noong SONA, kasama ang pagkilos ng PNP, ang nagbibigay ng malaking pagbabago sa ngayon. Ang kampanya ng PNP kontra sa mga rice hoarder, cartel at smuggler ay maaaring hindi kasing lakas o tindi ng ibang kampanya tulad ng laban sa ilegal na droga at ang panghuhuli ng mga tambay na lumalabag sa mga lokal na ordinansa, ngunit tiyak itong mas epektibo kumpara sa ginawa ng nakaraang administrasyon para solusyunan ang problema sa bigas.