Tinuligsa kahapon ni Pangulong Duterte si Communist Party of the Philippines (CPP) Founding Chairman Jose Maria Sison dahil sa pagiging arogante umano nito nang tanggihan ang mga alok niya para maisulong lang ang peace talks.

Sinabi ng Pangulo na gumagawa na siya ng paraan upang makipag-usap sa mga komunista, ngunit umiral, aniya, ang kayabangan ni Sison nang tutulan nito ang panukalang ipagpatuloy ang negosasyon sa bansa.

“I said I will talk to the enemies of the state, I tried with Sison. P***** i** sobrang yabang naman ng… ayoko, hindi ko na pinansin,” nanggagalaiting pahayag ng Pangulo nang dumalo siya sa nakaraang pagtitipon ng mga top security official sa Pasay City. “Ayaw mo? Eh ‘di huwag. Sino ka ba?”

Una nang ikinumpara ng Pangulo sa mga robot ang mga rebeldeng komunista dahil sa pagpapairal sa “bankrupt ideology.”

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Kinumbinsi na rin ng Presidente ang mga rebelde na sumuko na lang kaysa makipaglaban na naman sa gobyerno sa susunod na 50 taon.

Nangako rin si Duterte na bibigyan ng trabaho at pabahay ang mga rebeldeng magbabalik-loob sa pamahalaan.

Matatandaang inilatag ng Pangulo ang ilang kondisyon bago pa man simulang muli ang usapang pangkapayapaan sa mga komunista, kabilang na ang pagsasagawa ng negosasyon sa Pilipinas.

Kabilang din sa inihaing kondisyon ng pamahalaan ang pagpapatupad sa unilateral ceasefire, at pagpapatigil sa pangongolekta ng revolutionary tax.

Tinanggihan ni Sison ang nabanggit na mga kondisyon at sinabing mapanganib ang peace talks sa Pilipinas para sa mga negosyador ng CPP, kasabay ng pagsasabing itutuloy na lang nila ang negosasyon kapag iba na ang lider ng bansa.

-Genalyn D. Kabiling