HANDA na ang lahat para sa Philippine Sports Commission (PSC)- Batang Pinoy National Finals sa Setyembre 15-21 sa Baguio City.

Target ng Baguio City na madepensahan ang titulo sa multi-sports event para sa mga kabataang may edad 15 pababa.

Kabuuang 6,500 atleta ang inaasahang darayo sa prominenteng siyudad sa bansa kung saan limang libo dito ay buhat sa qualifying rounds at ang 1,500 atleta naman ay mga nagmedalya sa siyam na final rounds ng nasabing kompetisyon.

Magkatuwang ang Baguio City at Benguet Province para sa hosting ng nasabing kompetisyon kung saan kabuuang 27 sports ang lalaruin para sa nasabing event.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Paghahatian ng dalawang siyudad ang hosting kung saan 21 sports ang isasagawa sa Baguio at anim naman sa Benguet Province sa kabuuang 29 venues.

Sa kasalukuyan, pinagibayo ng PSC na makumpleto ang paghahanda bago dumating ang takdang petsa, gayundin ang isasagawa paglagda sa Memorandum of Agreement sa pagitan ng nasabing ahensiya at ng pamunuan ng Baguio City at Benguet sa kalagitnaan ng buwang kasalukuyan.

-Annie Abad