ISANG magandang balita ito para sa mga nakatira sa lungsod ng Maynila, Caloocan at Makati, na nakikipagsiksikan halos araw-araw sa kanilang pagsakay sa LRT at MRT, papunta sa kanilang pinapasukang trabaho at paaralan sa mga naturang lugar sa Metro Manila.
Sa unang pagkakataon, simula nang biglang tumigil sa pagbibiyahe ang mga higanteng “commuter trains” ng Philippine National Railways (PNR) halos 20 taon na ang nakararaan, ay muli itong gugulong mula sa Dela Rosa Station sa Makati City hanggang sa 10th Avenue Station sa Grace Park, Caloocan City.
Limang iba pang istasyon ng PNR -- 5th Avenue sa Caloocan, sa Solis Street, Blumentritt Street, España at Sta. Mesa sa Maynila -- sa pagitan ng naunang dalawa, ang magsisilbing sakayan at babaan ng mga pasahero.
Walang dudang ikatutuwa ito ng mga kababayan nating tumatangkilik sa linyang ito ng PNR na itinuturing ng marami na pinakamabilis, pinakamatipid at pinakaligtas na paraan ng transportasyon sa pagbiyahe sa pagitan ng tatlong lungsod sa kalakhang Maynila.
Ayon sa Department of Transportation (DoTr), itinakda noong Miyerkules ang “soft opening” para sa naturang biyahe – at ang PAMASAHE – tumataginting na P15.00 lamang!
Sa ipinalabas na kalatas ng DoTr, ang unang biyahe sa loob ng isang araw ay magmumula sa magkabilang dulo ng istasyon sa Caloocan at Makati. Ang biyahe mula sa 10th Ave Station sa Caloocan City ay ganap na 5:37 ng umaga, at mayroon ding biyahe ng 7:45 ng umaga, 9:17 ng umaga, 1:45 ng hapon, 3:45 ng hapon, habang ang “last trip” ay 5:17 ng hapon. Ang mga biyahe naman mula sa Dela Rosa Station sa Makati ay itinakda ng 6:22 ng umaga, 8:28 ng umaga, 2:28 ng hapon, at 4:28 ng hapon.
“It will be the fastest and most cost efficient means of transportation from Caloocan to Makati with running time of 37 minutes,” ayon pa sa PNR.
Noong dekada ‘60, panahong ako’y nasa elementarya pa lamang, musika sa aking pandinig ang pitada ng trumpeta (busina) ng mga tren na nagmamani-obra sa lugar na aking kinalakihan, sa paligid ng Barrio Triangulo, na ang pinakadulo ay ang makasaysayang terminal ng Tutuban sa Tondo, Manila. Kilala rin ang lugar sa tawag na BARMAT (Pinaikling salita ng pinagdutong na Barrio at Matakla) dahil sa nakasanayan nang gawing palikuran ng mga kabataan sa lugar ang riles ng tren!
Hindi ko malilimutan ang masasayang alaala ng aming kamusmusan na sasabit – sumasakay ng libre - lamang kami sa mga tren na biyaheng Bicol, ay makararating na kami agad sa San Pedro, Laguna upang makapag-swimming sa mga resort doon na dinarayo noon ng mga taga-siyudad ng -Maynila, Quezon City, Pasay City at Caloocan City - lalo na kapag panahon ng tag-init!
Isa ako sa mga nakasaksi kung papaanong unti-unting nag-deteriorate ang serbisyo ng PNR dahil sa pagkasira ng napabayang mga bahagi ng tren na kung tawagin noon ay: Mga MAKINA (ang ulo ng tren na sinasakyan ng MAKINISTA o driver); KOTSE (lugar na sakayan ng mga pasahero), at BAGON (sakayan ng mga kargamento) -- hanggang sa ito ay tuluyan nang tumigil sa pagbiyahe.
Sana naman ay magtuluy-tuloy na ang muling pagbiyaheng ito ng PNR, hanggang mabuhay at maibalik ang serbisyo nito mula sa magkabilang dulong linya sa Legaspi City, Albay hanggang sa Dagupan City sa Pangasinan. At kapag nangyari ito – ‘di ako magtataka kung biglang magmura ang presyo ng mga bilihin, lalo na ang mga prutas at gulay mula sa Timog at Hilagang bahagi ng Luzon, dahil sa pagbaba ng pasahe ng mga ibinabiyaheng paninda.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.