Tiniyak ng Department of Transportation (DOTr) na tuloy ang Metro Manila Subway project ng gobyerno, at magsisimula ang konstruksiyon nito bago mag-Disyembre ngayong taon.

Sa press briefing kahapon sa Malacañang, sinabi ni Transportation Secretary Arthur Tugade na magsisimula ang konstruksiyon sa last quarter ng taon para sa partial operation ng tatlong istasyon.

“We’re still on track, we are starting the ground-break and the formal construction by the end of this year, not later than December, na kung saan uumpisahan natin ‘yung construction doon sa partial operability sa tatlong istasyon,” aniya.

Ang tinutukoy ni Tugade ay ang mga istasyon na itatayo sa Mindanao Avenue, Tandang Sora, at North Avenue. Target ng gobyerno na simulan ang mga operasyon sa mga istasyong ito sa 2022.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Sinabi ni Tugade na napabilis ang mga proyeto kasunod ng paglalagda sa loan agreement sa pagitan ng Pilipinas at Japan nitong Marso.

“Napabilis po natin ang proseso na kung saan nag-agree-agree ang mga partido upang mapaaga ‘yung pag-start ng proyekto,” aniya.

Kasama na rin ho dito ‘yung pagpapatayo ng tinatawag na railway institute at depot sa Valenzuela. Lahat ho ito ay planong umpisahan not later than December of the last quarter of this year.

“’Yung loan agreement napirmahan na po ‘yun nung Marso 2018. Kaya nga ho, dahil sa pagpirma ng loan agreement, umusad ng may kaunting kabilisan ‘yung mga proseso at progreso ng ating proyekto,” dugtong niya.

Noong nakaraang taon, nangako ang Japanese government ng kabuuang US$1 bilyon para sa tatlong infrastructure projects sa Pilipinas sa pagpapalitan ng mga kasulatan sa yen loan nang bumisita si Duterte sa Tokyo noong Oktubre.

Ipinangako ni Japanese Prime Minister Shinzo Abe ang pagkakaloob ng yen loan na hanggang Y104.53, o halos P47.6B, para sa Metro Manila Subway Project (Phase 1).

-Argyll Cyrus B. Geducos