SA normal na takbo ng mga kaganapan ng pulitika sa Pilipinas, isang mayoryang partido na sumusuporta sa bagong administrasyon ang nahati nang mahalal ang isang bagong administrasyon at karamihan ng mga miyembro ng partidong ito ay nagsilipatan sa bagong may hawak ng kapangyarihan. Ito na ang naging kaso simula nang ibalik ang mga partido pulitikal makaraan ang pagtatapos ng batas militar noong 1986.
Nang mahalal si Pangulong Duterte noong 2016, mabilis na tumawid sa bakod ng PDP-Laban ng bagong pangulo ang maraming miyembro ng mayoryang partido ng Liberal sa ilalim ng dating administrasyon ni Aquino. Sinundan ito ng pakikiisa ng maliliit na partido sa ‘super-majority coalition’ sa Kamara de Representantes.
Nasa ikatlong taon pa lamang ng anim na taong termino ang administrasyon Duterte, subalit tila nagkakawatak-watak na ang PDP-laban. O nawalan ng suporta ang mga nangunguna nitong pinuno sa Kongreso, kaya’t kailangan nilang magbigay-daan para sa mga bagong pinuno. Si Senador Aquilino “Koko” Pimentel, pangulo ng PDP-Laban, ay pinalitan bilang pangulo ng Senado nitong nakaraang Mayo ni Senador Vicente Sotto ng Nationalist People’s Coalition, kahit pa maaari siyang manatili hanggang Oktubre bago ang pasahan ng sertipiko ng kandidatura.
Nitong nakaraang Lunes, naglaho ang nasa likod ng mayorya ng PDP-Laban nasi House Speaker Pantaleon Alvarez, ang secretary-general ng partido at inihalal si Rep. Gloria Macapagal Arroyo bilang kanyang kapalit. At nitong Biyernes, isang malaking grupo ng mga miyembro ng PDP-Laban ang nagtipon sa Amoranto Stadium sa Quezon City para sa tinawag nilang 11th National Assembly ng partido, kasabay ang paghalal ng bagong pangulo at secretary-general na papalit kina Pimentel at Alvarez.
Hanggang sa ngayon, nananatiling magulo ang sitwasyon ng PDP-Laban. May usap-usapan na hindi kailanman napanghawakan ng partido ang katapatan ng napakarami nitong miyembro na lumipat lamang dahil ito ang ikinonsiderang partido ni Pangulong Duterte noong halalan 2016. Ang bagong humiwalay na grupo na nagtipon sa Amoranto Stadium ay pinatalsik sina Pimentel at Alvarez ngunit pinanatili si Pangulong Duterte bilang chairman at ang kanyang special assistant na si Bong Go bilang auditor.
Para sa interes ng pulitikal na katatagan ng bansa, umaasa tayo na ang sitwasyon sa Kamara ay maayos at ang PDP-laban na nananatiling nasa likod ni Pangulong Duterte ay maayos na ang mga hindi pagkakaunawaan sa mga ranggo nito. Ang naganap kamakailan na pagbabago sa Kamara ay tila sumasapol sa personal na pamumuno ng napatalsik na speaker at ng kanyang mga adbokasiya, tulad ng pagpapaliban ng halalan sa 2019, na hindi sinasang-ayunan ng iba nitong mga kapartido.
Kaya umaasa tayo sa hakbang ni Pangulong Duterte na manawagan para sa isang sarilinang-pulong upang pagkaisahin ang nahating grupo ng partido. At sa pamamagitan ng bagong pinuno ng Kamara, dapat na makapagpatuloy ang PDP-Laban bilang mayoryang partido habang tinatrabaho nito ang mahahalagang panukalang-batas sa Kamara sa mga darating na mahahalagang taon ng administrasyong Duterte.