Mga Laro Ngayon
(Ynares Sports Arena)
4:00 n.h. -- Go for Gold vs. Marinerong Pilipino-TIP
6:00 m.g. -- Che’Lu Bar and Grill vs. CEU
TAPUSIN na ang kani-kanilang serye upang maitakda ang pagtutuos sa kampeonato ang kapwa tatangkain ng Go for Gold at Chelu Bar and Grill sa muli nilang pagsalang ngayong hapon sa Game 2 ng best-of-three semifinals series ng PBA D League Foundation Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig.
Parehas nagwagi kontra sa kanilang mga nakatunggali nitong Martes sa Game 1 ang top two teams, ang no.1 seed Revelers kontra no.4 team Centro Escolar University Scorpions, 112-87 at ang no.2 team Scratchers kontra no.3 team Marinerong Pilipino-TIP Engineers, 96-87.
Ngunit, sa kabila ng nakuhang bentahe sa serye, nag-aaalala pa rin si Chelu coach Stevenson Tiu dahil sa labis na kumpiyansa ng kanyang mga manlalaro kontra sa kanilang katunggali.
“Yun nga ang palaging problem sa team na ito, ‘yung complacency. Paulit-ulit ko pinapaalala ‘yun sa kanila,” pahayag ni Tiu. “Good thing mas beterano kami kaya may advantage kami sa endgame.”
Ito’y makaraang tapyasin ng CEU ang kanilang 20-puntos na kalamangan, 79-59 sa third quarter, at ibaba ito sa apat , 94-90, may 3:11 pang nalalabi bago ang fourth canto.
Para naman sa katunggali nilang CEU, nais naman ni coach Derrick Pumaren na mag step-up ang mga manlalarong kanilang inaasahan at itaas pa ng kanyang Scorpions ang lebel ng kanilang laro.
“The playoffs is a man’s game… So you gotta man up. Actually I told the boys we are playing in the playoffs. We cannot be happy and play the same way that we did in the eliminations. We have to go two notches, three notches higher,” wika ng beteranong mentor.
Sa isa pang laro, sisikapin naman ng Go for Gold na makumpleto ang dominasyon nila sa Marinero ngayong conference upang makausad na ng finals.
Hindi pa nanalo ang Engineers sa Scratchers sa unang tatlo nilang pagkikita mula noong elimination round.
-Marivic Awitan