MATAGAL nang friends si Kapuso Primetime King Dingdong Dantes at si Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Deputy Administrator Arnell Ignacio, pero kamakailan lang binisita ng aktor ang kaibigan sa opisina nito para humingi ng tulong.

Ito ang pahayag ni Dingdong sa kanyang Facebook account: “Halos 10 years na kaming ‘di nagkikita ng kaibigan kong si Arnell Arevalo Ignacio. Kaya nung nagkaroon ako ng pagkakataong bisitahin siya sa kanyang opisina noong July 13, agad ko siyang niyakap hindi lang dahil sa pagka-miss kung hindi dahil sa lubos na pagpapasalamat.

“Nakatanggap ako ng tawag mula sa kaibigan kong si Jude Santos noong July 5 tungkol sa kapatid ng kanyang kasambahay na isang OFW. Siguro, ako ang napili niyang tawagan dahil napanood niya ang isa sa mga episodes ng Tadhana, kung saan gumanap ang aking asawa (Marian Rivera) under my direction (naks!).

“Ayon kay Jude, sinasaktan, hindi pinapakain, kinukulong, at hindi pinapasahod si Jesusa ng kanyang employer sa Jordan. Upon hearing this story, hindi na ako nagdalawang-isip pa. Tinawagan ko si Arnell.

Relasyon at Hiwalayan

Pagpapakasal dahil lang sa anak, 'di bet ni Janella Salvador

“Ang OWWA ay isang ahensiya sa ilalim ng Department of Labor and Employment (DoLE) na nangangalaga sa kapakanan ng ating mga OFWs at sa kanilang mga pamilya. Kabilang sa kanilang mga programa ay ang pagbibigay ng social work and legal assistance, information technology at TESDA – accredited trainings, loan programs, at iba pang services, na pinamumunuan ng kanilang administrator na si Sir Hans Leo J. Cacdac.

“Arnell immediately responded to my early morning message on July 9. On the phone, he was still his old self-witty, kwela and straight to the point. Matapos ang kumustahan, agad naming pinag-usapan ang kaso ni Jesusa. At pagkalipas lamang ng ilang oras, on that same day, agad akong tinawagan ni Arnel para ibahagi ang magandang balita – makakauwi na si Jesusa!

“Kaya ganun na lang ang yakap ko kay Arnell nung nagkita kami. Yakap ng pasasalamat sa napakabilis na aksiyon.

“Sa mga pagkakataong ito, mapapatunayang napakaraming kapuri-puring mga opisyal at empleyado ng gobyerno. ‘Yung iba, mapang-abuso, ‘yung iba sakto lang, ‘yung iba, olats talaga.

“Pero iba si Arnell. Komedyante. Public servant. Action man. Isa siyang living example ng responsiveness at efficiency na ilan sa pillars ng mabuting pamamahala o good governance.

“Noong July 22, harely a month after Arnell received the call for help, Jesusa had arrived home.

“Arnell, I am deeply moved by your swift, silent, and sincere action. Talo pa ng blockbuster drama ang epekto mo sa akin at sa kaibigan kong si Jude. Paano pa kaya ang epekto mo kay Jesusa, sa kanyang 26 years old na anak, sa kanyang 9 na kapatid, at sa lahat ng natutulungan ng inyong ahensiya?

“Mabuhay ka Arnell Ignacio! Mabuhay ang mga kapatid nating OFWs. Mabuhay ang bayani ng mga bayani.”

-Nora V. Calderon