Hindi na nakapalag ang tatlong pulis-Valenzuela nang posasan ng mga tauhan ng Philippine National Police-Counter Intelligence Task Force (PNP-CITF), sa entrapment operation sa lungsod, kamakalawa.

Inireklamo ng isang junk shop owner ang mga pulis na umano’y nangotong sa kanya na sina SPO4 Serafin Adante, PO1 Ryan Paul Antimaro at PO1 Rey Harvey Florano, pawang nakatalaga sa Police Community Precinct (PCP) 8 ng Valenzuela Police Station.

Inaresto rin ang umano’y asset nilang sibilyan na si Amando Baldon, Jr.

Sa ulat, nagpasaklolo ang biktima kay Police Senior Supt. Romeo Caramat, Jr., commander ng PNP-CITF, hinggil sa umano’y pangongotong sa kanya ng tatlong pulis ng P200-P500 bilang protection money.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Nagkasa ng entrapment operation sa Barangay Ugong, at nasaksihan ng mga operatiba ng PNP-CITF na tinanggap ng tatlong pulis ang P200 habang sakay ang mga ito sa mobile patrol.

Hindi nag-aksaya ng panahon ang mga tauhan ni Caramat at inaresto ang mga suspek.

“Nangongolekta itong mga pulis natin na supposed to be nagpapatrulya. Umiikot sa lahat ng junk shop sa Valenzuela City,” ani Caramat.

Kaugnay nito, sinibak ni Police Senior Supt. David Nicolas Poklay, hepe ng Valenzuela Police, ang 30 pulis na nakatalaga sa PCP 8 pati na ang commander nito na si Police Senior Insp. Adonis Escamillan.

-ORLY L. BARCALA