Tinatayang aabot sa 10,000 pasahero ang araw-araw na makikinabang sa reopening ng biyaheng Caloocan-Makati ng Philippine National Railways (PNR).

Ang naturang train system ay muling pinabiyahe ng Department of Transportation (DOTr) kahapon, matapos ang may 20 taong pagkakatengga nito.

Sa pahayag ng DOTr, anim na tren, na may kapasidad na 700-800 pasahero, ang binigyan ng bagong ruta at inaasahang mapakikinabangan ng nasabing bilang ng pasahero.

Itinuturing ng DOTr na pinakamabilis at pinakamatipid ang naturang biyahe, na aabutin lang ng 37 minuto at nagkakahalaga lang ng P12-P15.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Ang unang biyahe mula sa Caloocan ay aalis ng 5:45 ng umaga, habang 5:15 ng hapon naman ang last trip.

Ang first trip naman mula sa Dela Rosa, Makati City ay aalis ng 6:28 ng umaga habang ang last trip ay 5:58 ng hapon.

Ang 13-kilometrong ruta ay may istasyon sa 10th Avenue (Macario Asistio), 5th Avenue, Solis, Blumentritt, España, Sta. Mesa, at Dela Rosa.

Taong 1997 nang matigil ang biyaheng Caloocan-Makati ng PNR dahil gagamitin sana ang linya sa Northrail Project, ngunit hindi natuloy ang nasabing proyekto.

-Mary Ann Santiago