ANG populasyon ngayon ng Pilipinas ay 106.4 milyon na. Ang paglago ng populasyon sa ating bansa ang siyang pinakamabilis sa alinmang bansa sa Asya. Ayon kay Commission on Population (PopCom) Executive director Juan Antonio Perez III, ang populasyon sa ‘Pinas ay inaasahang madaragdagan sa pagtatapos ng 2018.
“Batay sa population projections, tiyak na madaragdagan ng 1.8 milyon ang ating populasyon sa pagtatapos ng 2018, lumalaki ng 1.69 porsiyento. Ibig sabihin nito, may 4,965 Pilipino ang nadaragdag bawat araw o 206 bata kada oras,” pahayag ni Perez III.
Sa ngayon daw, ang PH population ay ika-13 sa pinakamalaki sa buong mundo at ika-2 sa pinakamalaki sa Assocation of Southeast Asian Nations (ASEAN) region.
Hinggil sa sigalot sa House of Representatives (Kamara), itinanggi ni dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo (GMA) na inaambisyon niya na maging Prime Minister kapag napalitan ang Konstitusyon at naging federal system ang gobyerno. Siya ang bagong Speaker ng Kamara matapos makudeta ni ex-Speaker Pantaleon Alvarez, kung kaya sumulpot ang mga haka-haka na target niya ang pagiging PM ng bansa.
Sa totoo lang, kontra si GMA sa NO-EL (No Election) na isinusulong ni ex-Speaker Alvarez. Maging si Pangulong Rodrigo Roa Duterte ay salungat na ipagpaliban ang halalan sa 2019 (midterm elections). Kapag walang eleksyon sa 2019, mananatili sa puwesto ang mga nakaupong opisyal ng gobyerno, gaya ng senador, kongresista, gobernador, mayor at iba pa.
Ito ang malaking pagkakamali ni Alvarez. Ang akala niya ay susuportahan siya ng Super Majority sa Kamara. Sa halip na suportahan, sinipa siya at iniluklok si GMA. Para kay Aleng Maliit (GMA), isang black propaganda lang ang bintang laban sa kanya na nais niyang maging Prime Minister. Wala raw siyang plano na ganito.
Anyway, hintayin at abangan na lang nating kung ano ang magagawa at maitutulong ni GMA sa gawaing-pagbabatas sa Kongreso para sa kapakanan ng taumbayan
-Bert de Guzman