Labis-labis ang pagsisisi ng isang babae matapos siyang mabiktima ng scam ng nag-alok sa kanya ng gayuma.

Sa pag-asang mapabalik ang dating kasintahan, kinagat ni “Badette” ang alok sa kanya ng isang babae, na nag-message sa kanya sa Facebook, na may kilala umanong kayang gumawa ng gayuma na makapagpapabalik ng kanyang kasintahan.

Sa pagbabahagi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director Chief Supt. Guillermo Eleazar, nakipagtransaksiyon ang 29-anyos na biktima sa suspek, na kinilalang si Jhane Mendoza, para sa gayuma.

“After that, this suspect Jhane Mendoza started asking for initial payment for the process of making the love potion and practice of ‘orasyon’ to which the victim agreed,” salaysay ni Eleazar.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ayon kay Eleazar, Abril 25 unang nagbayad ang biktima, ng halagang P2,718.66, para umano sa mga gamit na kailangan sa orasyon.

Pumunta pa umano mismo ang biktima sa bahay ni Mendoza sa AGL Heights, Barangay Nancayasan, Urdaneta City, Pangasinan para dalhin ang palayok at ibang personal na gamit ng dating kasintahan. Ngunit wala umanong nangyari at idinahilan ng suspek ang pagkamatay ng gumawa ng gayuma.

“So they looked for another person who could do it and the suspect demanded P5,000 for it from the victim,” ani Eleazar.

“Subsequently, the suspect continuously demanded payments from the complainant that reached the amount of P66,000 but still there is no result,” pagpapatuloy ni Eleazar.

Dahil sa inis, hindi na umano nag-interes ang biktima na ipagpatuloy ang transaksiyon sa suspek ngunit muli umano itong humingi ng P80,000 na bayad para sa ritwal na gagawin.

Ayon kay Eleazar, umabot pa umano sa punto na tinakot ng suspek ang biktima ng sumpa na papatay sa dating kasintahan at pagpapaaresto sa kanya.

Dito na umano humingi ng tulong si Badette sa Regional Special Operations Unit ng NCRPO at agad nagsagawa ng entrapment operation at naaresto si Mendoza sa Valenzuela City, nitong Lunes ng hapon.

Nahaharap ang suspek sa kasong Robbery Extortion with intimidation in relation to Art. 316 (Other forms of Swindling).

-Aaron Recuenco