PANGAKO na napako.
Sa ganitong litanya angkop ang paglalarawan ni Philippine Volleyball Federation (PVF) president Edgardo ‘Tito Boy’ Cantada sa ibinidang pagbabago ni boxing association chief Ricky Vargas sa liderato ng Philippine Olympic Committee (POC).
“Walang nangyari. Five months na kaming naghihintay, pero walang pagbabagong naganap. All we asked is due process – nothing more, nothing less,” pahayag ni Cantada.
Ayon kay Cantada, ilang sulat na ang naipadala ng PVF sa POC upang hilingin sa Olympic body ang pantay na trato at timbagin ang kanilang grupo sa isang proseso at desisyon ng General Assembly.
“Kung magdedesisyon ang General Assembly na alisin kami (PVF) bilang miyembro, tatanggapin namin ito ng maluwag. Kaya hiling namin kay Mr. Vargas dalhin ninyo sa GA ang isyu nang magkaalaman na,” ayon kay Cantada.
Batay sa POC bylaws and constitution, kailangan ang botong 2/3 ng kabuuang miyembro ng POC (49) para mapatalsik bilang lehitimong miyembro ang isang national sports association.
“Hindi namin nakuha ang karapatan na ito sa panahon ni Mr. Cojuangco (Peping). At sumuporta kami kay Mr. Vargas dahil sa paniwalang makakamit namin ang hustisya, pero wala ring nangyari,” aniya.
“Ang masakit nagbitiw pa ng pangako si Mr. Vargas na priority ang pagresolba sa ‘leadership dispute’ sa NSAs.”
“I’d like to create an arbitration and dispute committee because there is a lot of dispute among the NSAs that we would need to be able to settle and I would like to do that right away and we’re moving towards that,” pahayag noon ni Vargas sa panayam ng media.
Ngunit, sa nakalipas na mga GA meeting, hindi natalakay ang usapin sa problema ng mga sports association.
Iginiit ni Cantada na ilegal ang ginawa ng POC nang suportahan ang pagbuo ng Larong Volleyball ng Pilipinas, Inc. (LVPI) na pinamumunuan nina POC first vice president Jose Romasanta at Tatz Suzara para palitan ang PVF.
Hanggang sa kasalukuyan, wala pang pormal na desisyon ang International Volleyball Federation (FIVB) para patalsikin ang PVF bilang miyembro, habang binigyan lamang ng temporary accreditation ang LVPI.
Sa pagkakasibak ni Cojuangco bunsod ng pagkapanalo ni Vargas sa eleksyon na ipinag-utos ng Pasig RTC, hindi na rin naging aktibo si Romasanta sa LVPI, habang kinasuhan ng Philippine Super Liga (PSL) Board – ang semi-pro volleyball tournament ng LVPI – si Suzara ng ‘theft’ bunsod nang umano’y nawawalang pondo ng liga.
Nakikiisa rin sa panawagan sina Philippine Swimming League (PSL) president Susan Papa, bowling association chief Jose Maliling at Jiu-Jitsu president Alvin Aguilar.
Itinalaga ni Vargas si dating POC chairman at taekwondo chief Robert Aventejado bilang chairman ng POC arbitration and dispute committee, ngunit nagbitiw ito sa tungkulin bunsod umano sa pagkadismaya dahil sa kabiguan na bigyan ng prioridad ang naturang isyu.
“Kung kinakailangan kaming muling mag-rally, gagawin namin para magising natin ang natutulog nating mga sports officials sa POC,” sambit ni Papa.
-Edwin G. Rollon