Nagbabala ang anti-toxic watch group na EcoWaste Coalition sa publiko laban sa mga ‘poison lipstick’ na mabibili sa merkado.

Mura at abot-kaya ang mga naturang produkto ngunit maaari umano itong makasama sa kalusugan ng mga konsumer.

Ayon sa grupo, dapat nang itigil ang paggamit sa naturang nakalalason na lipsticks, dahil may taglay umanong heavy metal impurities ang mga ito, na makapipinsala sa kalusugan.

Anila, karaniwan umanong imitation lang ang mumurahing lipstick na kontaminado ng lead, cadmium, mercury at arsenic, at lagpas sa trace limits na itinatakda ng ASEAN Cosmetic Directive (ACD).

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

Babala ng EcoWaste, ang arsenic, cadmium, lead at mercury ay kabilang sa listahan ng “10 Chemicals of Major Public Health Concern” ng World Health Organization (WHO). Ang mga nabanggit na substance ay hindi dapat maging sangkap ng cosmetic products.

Gayundin, hinimok ng grupo ang publiko na iwasan ang pagbili ng mga pekeng produkto upang matiyak ang kanilang kaligtasan.

“We urge lipstick users not to buy counterfeit lipsticks and those without proper market authorization as many of such products are laden with heavy metal contaminants that can seriously harm human health,” panawagan ni Thony Dizon, chemical safety campaigner ng EcoWaste Coalition.

“Our intent is not to throw cold water on this special day for lipstick lovers, but to remind consumers of the hazardous substances that may be lurking in fake articles and others that have not been assessed for their quality and safety,” aniya pa.

Kaugnay nito, nanawagan ang grupo sa Food and Drug Administration (FDA) na kaagad kumpiskahin ang mga ‘poison lipstick’ na mabibili sa Divisoria, na kadalasang nagkakahalaga ng P15-P70.

-Mary Ann Santiago