Nakaengkuwentro ng awtoridad ang isang grupo ng kidnap-for-ransom syndicate sa Taguig City, at kalaunan ay nagresulta sa pagsibak sa buong puwersa ng Western Bicutan police precinct matapos madiskubre na mga pulis ang nasa likod nito.

Ayon kay Chief Supt. Guillermo Eleazar, director ng National Capital Region Police Office (NCRPO), bukod sa relief order, pinaiimbestigahan din niya ang 39 miyembro ng Police Community Precinct 1 (Western Bicutan) sa Taguig City, kabilang ang precinct commander na kinilalang si Senior Insp. Joel Villafania.

“The pictures of all the members of the PCP 1 will be shown to the victim for possible identification. All of them, 39 of them are effectively relieved as of today (Tuesday),” said Eleazar.

Sinabi ng opisyal na ang lahat ng 39 na pulis ay nasa kustodiya ng NCRPO leadership habang isinasagawa ang imbestigasyon, ang pagtutuunan ay matukoy kung sino sa mga ito ang sangkot sa pagdukot at iba pang ilegal na aktibidad.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ayon kay Chief Supt. Tomas Apolinario, director ng Southern Police District (SPD), nag-ugat ang pag-aresto sa operasyon na isinagawa sa ng mga operatiba ng Taguig City Police Special Operations Unit of Taguig City Police laban sa KFR group, sa ganap na 3:30 ng madaling araw kahapon.

Nagresulta ang operasyon sa pagkamatay ng isang KFR member at pag-aresto sa limang iba pa. Ang napatay na suspek at tatlong iba pa ay pawang mga pulis.

Kinilala ang napatay na pulis na si Police Officer 1 Gererdo Ancheta habang ang mga naarestong pulis ay sina PO1 Bryan Amir Bajoof, PO1 Paolo Ocampo at PO2 Joey Maru, sinasabing leader ng grupo.

Ayon kay Apolinario, agad nagkasa ng entrapment base sa reklamo ng isang Ronielyn Caraecle na nagsabing isang grupo ng armadong mga lalaki ang pumasok sa kanyang bahay sa New Lower Bicutan at tinangay ang kanyang nobyo, nitong Lunes ng gabi.

Sinabi ng opisyal na kinuha ng mga armado ang pera at personal na gamit ng biktima. Kinuha ng mga suspek si Ronielyn at nobyo nitong si boyfriend Samuel at isinakay sa kotse.

“They were driven around Arca South in Western Bicutan and were told that they will only be released if they produce P50,000,” sabi ni Apolinario.

Pinakawalan si Ronielyn matapos ipagkaloob ng kanyang pamilya ang P20,000. Gayunman, hiningan siya ng P30,000 para mapakawalan ang kanyang nobyo.

Nagpasaklolo sa awtoridad si Ronielyn at nagsagawa ng operasyon na nauwi sa engkuwentro at nasagip ang kanyang nobyo.

“Based on our initial investigation, they also did the same modus a night before entering the house of Ronielyn,” ayon kay Apolinario.

Inihahanda na ang criminal at administrative charges laban sa mga naarestong pulis.

-AARON RECUENCO, BELLA GAMOTEA, at FER TABOY