Mga Laro Ngayon
(Filoil Flying V Centre)
8:00 n.u. -- CSB vs JRU (jrs)
10:00 n.u. -- MU vs AU (jrs)
12:00 n.t. -- CSB vs JRU (srs)
2:00 n.h. -- MU vs AU (srs)
4:00 n.h. -- EAC vs SBU (srs)
6:00 n.g. -- EAC vs SBU (jrs)
Standings W L
LPU 5 0
SBU 2 0
UPHSD 2 1
AU 2 1
CSJL 2 1
SSC-R 2 3
MU 1 2
CSB 1 2
EAC 0 3
JRU 0 4
MAKADIKIT sa kasalukuyang lider na Lyceum of the Philippines University ang tatangkain ng defending champion San Beda University sa pagsabak ngayon sa pagpapatuloy ng NCAA Season 94 basketball tournament sa Filoil Flying V Centre sa San Juan City.
Sinimulan ng Red Lions ang kanilang three-peat bid sa pamamagitan ng dalawang sunod na panalo kontra season host University of Perpetual Help Altas, 67-65, sa opening day nitong July 8 at College of St. Benilde Blazers,75-69, sa nakalipas na linggo.
Nakatakda nilang makatunggali sa tampok na laban ganap na 4:00 ang Emilio Aguinaldo College na hindi pa nakakatikim ng panalo pagkaraan ng tatlong laro, pinakahuli ang 74-76 na kabiguan sa Altas sa overtime nitong Huwebes sa kanila mismong homecourt .
Para kay San Beda coach Boyet Fernandez, bawat kalaban ay kailangang seryosohin ng Lions.
“They have a tall and strong import and they have some key pieces who could beat any team so there is no reason to expect an easy game,” pahayag ni Fernandez, patungkol sa 6-9 Cameroonian na si Hamadou Laminou na may averages na 20 puntos, 12 rebounds at 2.3 blocks kada laro.
Hindi rin maitatatwang nahirapan ang San Beda sa unang dalawa nilang laban at naisalba lamang ng late-game heroics ni Robert Bolick.
“I will do whatever my coach tells me and whenever the team needs me,” pahayag ni Bolick.
Sa isa pang laro, sasakyan naman ng Arellano University ang momentum ng kanilang 82-81 overtime na panalo kontra San Sebastian College nitong Biyernes sa pagsagupa sa Mapua University sa unang laro ngayong 2:09 ng hapon.
Inaasahang muling mangunguna para sa Chiefs at kanilang bagong lider na si Levi dela Cruz kapalit ni Kent Salado na di na makakalaro dahil sa season-ending ACL injury.
“He has a big hearts,” ani Chiefs coach Jerry Codinera patungkol kay de la Cruz.
Mauuna rito, magtutuos sa unang salpukan ang College of St.Benilde Blazers at ang Jose Rizal University(0-4), ganap na 12:00 ng tanghali.
-Marivic Awitan