Sumailalim kahapon sa biglaang drug test ang aabot sa 300 kawani ng Senado, sa pangunguna nina Senate President Vicente Sotto III at Senador Gregorio Honasan.
Kasabay nito, inihayag din ni Sotto ang pagbibigay ng P5,000 sa may 2,000 kawani ng Mataas na Kapulungan, bilang transportation at grocery allowance.
Ayon kay Noriel Mercado, Public Information and Media Relation Office (PIMRO) director, ang taunang drug test ay alinsunod sa Civil Service Commission Memorandum Circular (CSC) No. 13, s. 2017, na humihimok sa lahat ng kawani ng pamahalaan at maging ng mga constitutional agency, kabilang ang Senado, na sumailalim sa drug test.
Ipadadala sa East Avenue Medical Center ang mga urine sample at sakaling magkaroon ng positibong resulta, ay muling isasailalim sa drug test ang nagpositibo.
Kung mapatutunayang positibo sa ilegal na droga ang kawani sa pangalawang pagkakataon, isasailalim na ito sa rehabilitasyon at counseling.
-Leonel M. Abasola