ANG State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo ng Pilipinas ay ginaganap tuwing ikaapat na Lunes ng Hulyo sa joint session o magkasamang pagpupulong ng Kamara at Senado. Karaniwang nagsisimula ng 4:00 ng hapon sa oras na dumating ang Pangulo ng Pilipinas sa Batasang Pambansa. Ngunit masasabing naiba ang ikatlong SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte sapagkat sa halip na mag-umpisa ito ng 4:00 ng hapon ay naatras ito ng mahigit na isang oras.
Ang pangunahing dahilan: Pinatalsik sa pagiging House Speaker si Representative Pantaleon Alvarez ng mga miyembro ng Kamara at ipinalit si dating Pangulo at Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo bilang bagong House Speaker. Si House Speaker Alvarez kasama si Senate President Tito Sotto ay nasa holding area ng Kamara at magkasamang sumalubong kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa mga kasama ng ating Pangulo. Hindi alam ni Alavarez ang nangyari sa Plenary Hall.
Matapos manumpa ang dating Pangulo at Rep. Gloria Macapagal Arroyo bilang bagong House Speaker, may pumatay ng audio o ng mikropono sa Plenary Hall. Kaya, nang nagsalita ang bagong House Speaker, walang narinig ang mga nasa loob ng Batasang Pambansa kahit pasigaw ang kanyang pagsasalita.
Sa kabila ng pagpapatalsik bilang House Speaker kay Rep. Alvarez, siya pa rin ang naupo sa dakong kaliwa ni Pangulong Duterte kasama si Senate President Tito Sotto, na nakaupo naman sa dakong kanan ng Pangulo, nang simulan ang ikatlong SONA. Ayon sa Pangulo ng Senado, dahil sa naatras ang SONA, nais na umanong mag-walk out ni Pangulong Duterte.
Sa SONA, sinabi ng Pangulo sa mga tagapagtanggol ng karapatang pantao na hindi siya mahihikayat na ihinto ang kanyang giyera kontra droga. Walang ligoy na magpapatuloy ang kanyang antinarcotics drive. Binalaan din ni Pangulong Duterte ang mga kriminal, mga mapagsamantala, mga nagmimina at ang mga cartel. Gayundin ang kanyang mga kaibigan na masasangkot sa corrupton o katiwalian. Binanggit niya sa SONA ang paglaban sa kahirapan at iba pang isyu sa kanyang ikalawang taon ng panunungkulan. Ang labor contractualization, pagtaas ng halaga ng mga bilihin, ang pagkasira ng Isla ng Boracay at ang hidwaan ng bansa sa China hinggil sa South China Sea.
Pinasalamatan din ng Pangulo sa kanyang SONA si dating Chief Justice Renato Puno at dating Senate President Aquilino Pimentel Jr. at ang mga miyembro ng consultative committee (con-com) na sumulat ng draft Constitution, para sa planong pederalismo na ipapalit sa sistema ng pamahalaan. Nagpahayag pa ang Pangulo ng kanyang pagtitiwala na ang mga mamamayan ay nasa kanyang likuran habang ipinakikilala ang bagong fundamental law.
Sa talumpati ni Pangulong Rodrigo Duterte, nabanggit niya na sa kanyang giyera kontra droga, umaabot na sa bilyong piso ang halaga ng mga nakumpiskang droga. Ayon pa sa Pangulo, “I can only shoulder the harm that thse drugs could have cause had they reached the streets of every province, city, municipality, barangay and community throughout the country”.
Matatandaan na mula nang ilunsad ni Pangulong Duterte ang kampanya kontra droga, sa mga police operation ay umabot na sa 4,500 katao ang napatay na pinaghihinalaang drug pusher at user, na nanlaban umano sa mga pulis.
Nabahala naman ang mga human rights group sa pagdanak ng dugo sa naturang kampanya. Ang naganap na mga pagpatay ay summary execution ng mga pulis sa mga pinaghihinalaaang drug pusher at user, na mga naninirahan sa mahihirap na pamayanan o komunidad. Ang alegasyong nabanggit ay pinasinungalinmgan naman ng Philippine National Police (PNP).
Ayon pa sa Pangulo sa bahagi ng kanyang SONA, kung ang malasakit ng human rights group ay mga karapatang pantao, ang concern naman ng Pangulo ay ang buhay ng tao. Nagkakaisa ng reaksiyon ang iba nating kababayan sa sinabi ng Pangulo. Kung buhay ng tao ang kanyang concern, eh bakit pinapatay? Bakit hindi bigyan ng pagkakataon na magbagong-buhay o sumailalim ng rehabilitasyon? Masasabing hindi malilimot ang nakahihiyang pangyayari sa ikatlong SONA dahil hindi pa ito nangyari sa mga SONA ginawa ng mga dating Pangulo ng Pilipinas.
-Clemen Bautista