ANG United Nations at ang European Union ay matagal nang kritiko ng Pilipinas sa agresibo nitong pagsisikap na matuldukan ang paglaganap ng ilegal na droga sa bansa, ngunit lumabas nitong nakaraang linggo upang purihin ang pagsasabatas ng Bangsamoro Organic Law (BOL) at ang mabilis na paglagda ni Pangulong Duterte.
Binati ni UN Secretary General Antonio Guterres ang mga peace negotiator ng pamahalaan ng Pilipinas at ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) na ilang taong nagtrabaho, sa nakaraang administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III, ang maraming sibil na samahan na sumuporta sa pagsisikap, ang Bangsamoro Transition Commission, at ang mga miyembro ng Kongreso, partikular ang Bicameral Conference Committee, na naglabas, sa wakas, ng BOL nitong nakaraang linggo.
“The United Nations will continue to support the Philippines in the implementation of the law and help build the capacity of the Bangsamoro Transition Authority as an effective conduit for peace, democratic governance, and human rights,” pahayag ng UN.
Sinabi naman ng European Union, sa pamamagitan ng inilabas na pahayag ni Maja Kocijancic, na ang pagpapatibay ng batas ay “an opportunity for the Filipino people to embrace peace and stability after decades of strife.”
Hindi kailanman naranasan ang isang lubos na kapayapaan sa Mindanao sa mga nakalipas na taon. Palaging nariyan ang mga mandirigmang Moro na kumakalaban sa puwersa ng pamahalaan. Sinasabing na inimbento ng mga Amerikanong mananakop ang .45 calibre pistol upang pigilan ang mga Moro, na tila hindi mapipigil ng karaniwang .38 calibre revolver ng kanilang mga tropa.
Isang malaking pagsisikap para sa kapayapaan ang binuo, sa panahon ng administrasyon ni Corazon Aquino, nang pamunuan ni Nur Misuari ang Moro National Liberation Front ang Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM), ngunit malaking pangkat ang humiwalay—ang Moro Islamic Liberation Front (MILF)—na hindi kuntento sa ARMM. Ipinagpatuloy ng MILF ang hakbang para sa mas makapangyarihang awtonomiya sa panahon ng administrasyon ni Aquino, gayunman, hindi nito nagawang makuha ang loob ng Kongreso para aprubahan ang Bangsamoro Organic Law. At inabot pa ng administrasyong Duterte para lamang makamit ito.
Bumaling naman ngayon si Pangulong Duterte sa iba pang mga grupong Moro na matagal nang nakikipaglaban sa puwersa ng pamahalaan sa Mindanao. Sa kanyang talumpati sa Jolo, Sulu nitong Biyernes ng gabi, ibinaling niya ang kanyang atensiyon sa isang grupo ng mga Moro na kilala sa pandurukot at pagdakip ng mga dayuhan kapalit ng salapi. Nanawagan siya sa Abu Sayyaf at iba pang mga grupo na bigyan ng pagkakataon ang Bangsomoro Autonomous Region na patunayan ang sarili.
Mayroon pang ibang mga aktibong grupo ng mga Moro sa ilang liblib na bahagi ng Mindanao, tulad ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters. Ang grupo ng Maute na naghangad na makapagtatag ng sarili sa lungsod ng Marawi nitong nakaraang taon sa tulong ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS); nagapi ang grupo makalipas ang limang buwan pakikipaglaban ngunit nananatili sa paligid ang mga tagasuporta nito.
Ngayon na naisabatas na ng pamahalaan ng Pilipinas ang Bangsamoro Autonomous Region, umaasa ito na makikita ng mga Moro ang malaking oportunidad para sa kapayapaan, pag-unlad at pagsasarili sa Mindanao. Agad na inihayag ng UN at EU ang kanilang pagtanggap at ang kanilang pag-asa para sa kapayapaan kasunod ng pagpapatibay ng batas ng Bangsamoro, dahil naniniwala sila na ang kapayapaan sa Mindanao ay kadikit ng kapayapaan sa buong mundo.
Ang pag-asa at suporta ng sambayanan ay kasama ni Pangulong Duterte sa hakbang niyang manaig laban sa mga bandidong grupo para sa paghahanap ng kapayapaan sa Mindanao.