NITONG nakaraang Biyernes isinagawa ng grupo ng mga taga-PDP-LABAN ang asembleya sa Amoranto Theatre, Quezon City. Naghalal ang grupo ng bagong pamunuan ng partido at pinatalsik sina Congressman Pantaleon Alvarez bilang pangulo at si Senador Coco Pimentel, Secretary general. Hindi awtorisado ito, ayon sa Senador, at nagbanta siyang ihahabla ang kanyang tinawag na “usurper”. Pero, sabi ng mga kasapi ng grupo, sila ang “genuine representative” ng PDP-LABAN at sila ay naghalal ng kanilang mga lider. Hindi naman daw nabahala si Sen. Pimentel sa ginawang ito sa kanila. Pero, wala naman daw siyang tutol kung mamagitan sa kanila si Pangulong Duterte. Sa ilalim ng PDP-LABAN, tumakbo siyang kandidato sa panguluhan. Nang siya ay magwagi, ang mga pulitiko ay nagsilipatan sa kanyang partido. Ang mababang kapulungan ng Kongreso ay halos mga kasapi nito. Iyong mga House investigation, lalo na iyong ginawa ng House Committee on justice, ay tumakbo ayon sa kagustuhan ng Pangulo.
Dahil nga sa ganito nakita ng mamamayan ang direksyon ng paggalaw ng Mababang Kapulungan, nababahala sila dahil ang mga hakbang nito ay naaayon sa mga isinusulong ng Pangulo, tulad ng pagbabago ng Saligang Batas at uri ng gobyerno. Pederalismo, ang mula’t sapul ay gusto ng Pangulo na maging pamahalaan ng bansa. Lumikha siya ng Consultative Assembly para gumawa ng balangkas sa kanyang layuning ito. Si dating Speaker Alvarez ang siyang maingay at matapang na naghayag ng mga hakbanging magbibigay ng katuparan sa mga kagustuhan ng Pangulo hinggil sa Charter change at pederalismo.
Matapang niyang sinabi na ang mga mambabatas, sa pamamagitan ng Constituent Assembly, ang magmumungkahi at gagawa ng balangkas ng bagong Saligang Batas. Kung ayaw sumama ang Senado, dahil ayaw nito na magkasama sila ng Kamara sa pagboto sa nalikhang balangkas, sabi ni Alvarez, kahit kamara na lang ang mag-apruba nito. Siya mismo ang nagmungkahing ipagpaliban ang darating na mid-term election para mapadali ang pagbabago na Saligang Batas.
Sa araw na gaganapin ang State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo, ginanap ng taumbayan ang makasaysayang kilos-protesta. Makasaysayan ito dahil sa dami ng grupo at taong lumahok dito sa unang pagkakataon mula nang manungkulan ang Pangulo. Sa lahat ng binalak ng Pangulo at ni dating Speaker Alvarez, ay matindi at maingay nila itong tinutulan. Laban sila sa pagbabago ng Saligang Batas, bagamat sila ay may reserbasyon sa pederalismo, sa pagpapaliban ng halalan. Pero, ang higit na nakapag-isa sa kanila ay ang hangarin nilang wakasan ang extra-judicial killing.
Bagamat bago pa man ang kilos-protesta, namuo na iyong pagkilos ng mga mambabatas para ihalili kay Alvarez si Cong. Gloria Arroyo bilang Speaker. Malaking bagay iyong naipakita ng sambayanan sa kanilang nasabing kilos-protesta. Sa kanyang pahayag bilang bagong Speaker, kung siya ay paniniwalaan pa, ay tuloy daw ang halalan, walang term extension at walang Prime Minister, na siyang isinasaad sa balangkas ng bagong Saligang Batas. Sa kanilang kilos-protesta, nabiyak ang akala natin ay solidong partido ng Pangulo. Sa pagbagsak ni Alvarez, nagkaroon ng dahilan ang Pangulo na wala siyang kinalaman sa pinaggagawa at pinagsasabi nito na kinalaban ng taumbayan.
-Ric Valmonte