Iniulat kahapon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na umabot na sa P2.4 bilyon ang halaga ng mga nasirang imprastruktura at agrikultura dulot ng habagat na pinaigting ng magkakasunod na bagyong ‘Henry’, ‘Inday’, at ‘Josie’.
Sinabi ni Undersecretary Ricardo B. Jalad, Executive Director ng NDRRMC at kasalukuyang administrator ng Office of Civil Defense (OCD), na base sa huling ulat na kanilang natanggap, nasa P2,402,477,140.95 halaga ng mga nasira sa agrikultura at imprastraktura ang naitala sa Regions 1, 2, 3, 6, Calabarzon, Mimaropa, at Cordillera.
Sa tala, P572,771,800 ang pinsala sa imprastruktura habang nasa P1,829,705.95 sa agrikultura.
Nananatili namang lubog sa baha ang 29 na barangay sa Calumpit, Bulacan, at patuloy ang relief operations ng pamahalaan.
Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction Office (PDRRMO), nakikinabang sa relief operations ang 985 pamilyang nananatiling nakatuloy sa 15 evacuation center sa Calumpit.
-Francis T. Wakefield at Freddie C. Velez