Tatanggap ang Office of the Vice President (OVP) ng P447.6- milyon budget sa 2019, habang P6.7 bilyon naman ang target na ilaan sa Office of the President, alinsunod sa panukalang P3.757-trilyon national budget para sa susunod na taon.
Ang nasabing budget allocation ay mas mababa ng P95.4 milyon sa P543 milyon na inilaan sa tanggapan ni Vice President Leni Robredo ngayong taon.
Sa 2019 OVP budget, nasa P350.1 milyon ang ilalaan sa maintenance and other operating expenses (MOOE), P94.5 milyon sa personnel services, at P3 milyon sa capital outlays.
Kabilang sa maintenance expenses ang tulong pinansiyal at subsidiya (P197 milyon), professional services (P32 milyon), representation (P27 milyon), gastusin sa biyahe (P25 milyon), supplies at materials (P15.5 milyon), at pagmamantine at pagkukumpuni sa leased assets (P4 milyon).
Batay sa kasalukuyang national budget, nagpanukala ang executive branch ng P443 milyon budget para sa OVP. Gayunman, kalaunan ay dinagdagan ito ng Kongreso ng P100 milyon upang pondohan ang mga proyekto ng nasabing tanggapan kontra kahirapan.
Kasabay nito, humiling naman si Pangulong Duterte ng P6.7-bilyon budget para sa susunod na taon, mas mataas ng P700 milyon sa P6.03 bilyon na ginagastos ng OP ngayong taon.
Sa panukala, ang P5.18 bilyon ng OP budget ay ilalaan sa MOOE, P1.07 bilyon sa personnel services, at P511 milyon sa capital outlay.
Hindi naman nagbago ang panukalang intelligence expenses sa P1.25 bilyon, at P1.25 bilyon sa confidential expenses, habang tinapyasan sa P795 milyon ang travel funds ng OP kumpara sa P884 milyon ngayong taon.
Gayunman, ang panukalang gastusin sa professional services ay tumaas sa P386 milyon sa 2019, mula sa P302 milyon ngayong taon, habang ang representation allocation ay lumobo sa P357 milyon mula sa P153 milyon ngayong 2018.
Hulyo 23 nang isinumite ng Kongreso kay Pangulong Duterte ang panukalang 2019 national budget.
-GENALYN D. KABILING