Tumanggi munang magkomento ang Department of Tourism (DoT) sa naging pahayag ng broadcaster na si Ben Tulfo na wala siyang planong isauli ang P60 milyon na ibinayad ng kagawaran sa kanyang media outfit.

“As of the moment, We would like to defer our comment on the issue,” saad sa text message ng isang opisyal ng DoT.

Sa kanyang programa sa radyo, nanindigan si Tulfo na legal ang nasabing halagang ibinayad ng DoT sa programang “Kilos Pronto” ng kanyang kumpanya.

“Tinrabaho namin iyon. May kontrata. Meron kaming kopya lahat, may ebidensiya,” sabi ni Tulfo.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Kung pag-uusapan ang P60 million, mahigit pa po ang kinita namin sa mga nakaraang taon. Kinita na po namin mahigit pa po d’yan. Kung pag-usapan ang P60 million wala po iyan, kapiranggot lamang po iyan. Kaya kung pag-uusapan ang daan-daang milyon na kami ay nagbabayad ng buwis, partikular ako, ay nakamtan po namin sa trabaho hindi sa pangingikil,” giit niya.

Nilinaw din ni Tulfo na malinis ang kanyang konsiyensiya kaugnay ng nasabing kontrobersiya, na nagresulta sa pagbibitiw sa puwesto ng kapatid niyang si dating Tourism Secretary Wanda Tulfo-Teo.

“Linawin po natin, malinis po ang konsensiya namin. Hindi po kami nangulimbat, hindi po kami nagnanakaw ng pera sa gobyerno. Kung kami po ay binayaran, dahil may serbisyong idinulot. Ang serbisyong idinulot ay kailangang bayaran. Ganun po kasimple. Legal ba? Oo,” dagdag pa ni Tulfo.

Mayo ngayong taon nang ihayag ni Atty. Ferdinand Topacio, abogado ni Teo, na isasauli ng magkakapatid na Tulfo ang P60 milyon ibinayad ng DoT sa mga ito para sa ad placement. Sa parehong buwan ay nagbitiw sa puwesto si Teo, sa kasagsagan ng kontrobersiya.

Pinalitan si Teo ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, na una nang nangakong tutuldukan ang kurapsiyon at katiwalian sa kagawaran, alinsunod sa utos ni Pangulong Duterte.

-Analou De Vera