SA araw ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte isang linggo na ang nakaraan, naganap ang pinakamalaking kilos-protesta mula nang siya ay manungkulan. Makasaysayan ito dahil sa dami ng tao at grupong lumahok. Mga taong buhat sa mga dati ay hindi nagkakasundong samahan at iba’t ibang religious congregation ang nagtipun-tipon sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, mula sa St. Peter’s Church hanggang Ever Gotesco na may iwinagayway na mga banner. Nakatitik sa mga ito ang kanilang mga saloobin laban sa mga polisiya at patakarang pinaiiral ng Pangulo.
Bago ginawa ang misa sa Simbahan sa Novaliches, pinangunahan nina Senator Anotnio Trillanes at Risa Hontiveros ang pagpapatunog ng kampana para alalahanin ang libu-libong biktima ng extra-judicial killing ng war on drugs ng Pangulo. Sa kanyang sermon, sinabi ni Bishop Emeritus Antonio Tobias na ang mga taong simbahan ay hindi na hostage ng “climate of fear” na nilikha ng polisiya ng mga pagpatay. “Tandaan ninyo ito Ginoong Pangulo: Ang Simbahan at ang kanyang kasaysayan ay itinayo sa dugo ng mga martir. Habang patuloy na umaagos ang dugo, ang puwersa laban sa iyo ay higit na nagiging malakas,” sabi pa ni Bishop Tobias.
Sa iba’t ibang bahagi ng bansa, ginanap din ng mamamayan ang mga rally. Mismong sa lugar ng Pangulo sa Davao City, ang mga grupo ng nagpo-protesta ay may dalang malaking streamer kung saan nakasulat ang “Oust Rodrigo Duterte, Traitor.” May 300 raliyista sa Cagayan de Oro ang nanawagan na wakasan na ang martial law sa Mindanao at sa pang-aapi sa mga dukha at katutubo. Mahigit isang daang “lumad” ang sumakop sa highway ng Koronadal City na humihiling na buksan na ang kanilang paaralan. Sa parish church sa Quezon City, ilang kilometro ang layo sa Batasan Complex kung saan gaganapin ang SONA ng Pangulo, nagtipun-tipon ang mga kritiko ng Pangulo para sabihing, “Hindi kami natatakot sa iyo.”
Ganito rin ang mistulang sinabi ng mga mambabatas, lalo na iyong mga nasa mababang kapulungan ng Kongreso, bago niya gawin ang kanyang SONA. Kasi, ilang minuto na lang ang nalalabi bago sumapit ang 4:00 ng hapon para bigkasin niya ang kanyang SONA, kumilos sila para ihalili kay Pantaleon Alvarez si Gloria Arroyo bilang kanilang Speaker. Sa ginawa nilang ito, natuon sa kanila ang pansin ng taumbayan sa panahong buong-buo sanang dapat ay sa Pangulo, lalo na nang antalain nito ang kanyang SONA nang mahigit na isang oras. Sa pagbabago ng liderato ng Kamara, may lumisan na sa dating solidong PDP-Laban na partido ng Pangulo. Matapang na sinabi ni Senate President Vicente Sotto na siya ay laban sa Constituent Assembly na magbabago ng Saligang Batas. Matapang na rin ang mga mambabatas na sabihing tutol sila sa no election o no-el bilang paunang hakbang sa pagbabago ng Konstitusyon.
Kapag umuga na ang pundasyon ay nayuyugyog na ang nasa itaas. Ganito na ang nagaganap sa mga pulitikong nasa gobyerno nang ganapin ng taumbayan ang kanilang makasaysayang kilos-protesta.
-Ric Valmonte