ANG himig ng “Himno de Balintawak” na hindi na naibigan ni Heneral Aguinaldo ang naging dahilan upang hilingin kay Maestro Julian Felipe na kumatha ng isang tugtugin na kapag narinig ng mga Pilipino ay magpapaalab ng damdaming makabansa, na magbibigay din ng inspirasyon sa pakikipaglaban sa mga kaaway. At higit sa lahat, nakapaloob sa tugtugin ang mga marangal na hangarin ng lahi.
Makalipas ang anim na araw at gabi, nakatha ni Maestro Julian Felipe ang tugtugin. At noong Hunyo 11, 1898, bisperas ng pagpapahayag ng Kalayaan ng Pilipinas, sa harap ng mga heneral at miyembro ng Gabinete ni Heneral Emilio Aguinaldo, tinugtog sa piyano ang tugtugin. Naibigan ni Heneral Aguinaldo at binigyan ng pamagat na “Marcha Nacional Filipina”. Napagkaisahan na ang tugtugin ay maging Pambansang Awit ng Pilipinas.
Ang pormal na pagtugtog ng Pambansang Awit ay naganap noong Hunyo 12, 1898 nang ipahayag ni Heneral Emilio Aguinaldo sa Kawit, Cavite ang Araw ng Kalayaan. Tinugtog ng Banda San Francisco de Malabon, kasabay ng pagtataas ng ating Pambansang Watawat na tinahi sa Hongkong ni Marcela Agoncillo, ang martsa na naging inspirasyon ng sambayanang Pilipino.
Makalipas ang isang taon, ang Pilipinas ay nagkaroon na ng Pambansang Awit. Nagsimulang patugtugin noong Setyembre 3, 1899 ang tugtuging “Marcha Nacional Filipina” at ang “Filipinas”, isang tulang makabayan na sinulat ng makatang rebolusyonaryo na si Jose Isaac Palma. Pinaglakip ang mga ito at inilathala sa “La Independencia”, ang pahayagan ng Unang Republika. Ang tulang “Filipinas” ay isinulat ni Jose Isaac Palma sa Bautista, Pangasinan noong Agosto, 1899. At mula noon, opisyal na ipinahayag ng Pangulong EmilioAguinaldo na ang “Marcha Nacional Filipina” at ang “Filipinas”ay ang Pambansang Awit ng Pilipinas.
Sa tugtuging “Marcha Nacional Filipina”, inilapat at ginawang liriko ang tulang “Filipinas”. At ang pormal na pagsasanib o paglalakip na ito ay naging hudyat sa pagkakaroon ng Pambansang Awit. At upang lalong bigyan ng dangal ang Pambansang Awit ay tinagurian ito ni Pangulong Emilio Aguinaldo ng “Awit ng Kalayaan”.
Ayon kay Pangulong Emilio Aguinaldo, ang pagsilang ng “Awit ng Kalayaan” ay simula na ng maalab na kilusan ng mga Pilipino ,upang sila’y mabuhay nang marangal at kapantay ng alinmang lahi sa daigdig.
Ngunit nang sakupin ang Pilipinas ng mga Imperyalistang Amerikano noong 1901, nagkaroon ng kalbaryo ang ating Pambansang Awit. Mahigpit na ipinagbawal ang pag-awit nito. Isang malaking kasalanan ang mahuling kinakanta ang Pambansang Awit. Kinutya pa ng mga Amerikano at tinagurian ang ating Pambansang Awit na “awit ng mga patay”.Ganito rin ang nangyari nang sakupin tayo ng mga Hapon. May apat na taon na hindi naawit ng mga Pilipino ang ating Pambansang Awit. Ngunit nang muling kilalanin ng Amerikaa ang Kalayaan ng Pilipinas noong Hulyo 4, 1946, minsan pang naging malaya ang ating Pambansang Awit.
Ang bagong buhay ng Pambansang Awit ay naging hudyat upang ito’y maging pambansa sa diwa at wika. Isinalin ang titik sa Tagalog. Ang nagsalin nito sa Tagalog ay ang mga makatang sina Julian Cruz Balmaceda at Ildefonso Santos. “O Sintang Lupa” ang pamagat. Sa pangunguna naman ni Camilo Osias, isang guro, naging Senador at Kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon, isang komite ang binuo at nagmalasakit na isinalin sa Ingles at ibat’t ibang dialect ang Pambansang Awit.
Noong 1956, isang bagong bersiyon ang ginawa ng Surian ng Wikang Pambansa (Komisyon sa Wikang Filipino na ngayon). May pamagat na “Lupang Hinirang”. Ipinahayag ni Pangulong Ramon Magsaysay noong Marso 26, 1956 na ang “Lupang Hinirang” ang opisyal na salin sa Tagalog ng ating Pambansang Awit. Ang liriko sa Filipino ay pinagtibay sa pamamagitan ng Republic Act 849, kung saan nakasaad na ang “Lupang Hinirang” ay kailangang laging awitin sa pambansang wika.
Ang Pambansang Awit at ang makabayang tula na naglalarawan ng pagmamahal sa bayan ay isang dakilang pamana at kayamanan ng lahing kayumanggi. Naglalarawan din ng kasaysayan ng Pilipinas na mimahal at ipinagtanggol ng matatapang at magigiting nating mga ninuno at mga bayaning Pilipino.
-Clemen Bautista