HINIHIKAYAT ng lokal na pamahalaan ng Laoag City ang lahat ng mga residente sa lugar, partikular ang mga paaralan at mga opisyal ng barangay, na makiisa sa “4 o’clock habit” upang maiwasan ang paglaganap ng sakit na dengue sa panahon ng tag-ulan.
Sa isang public advisory, hinikayat ni Mayor Chevylle Fariñas ang mga opisyal ng bawat barangay at mga health workers sa lungsod na pangunahan ang malawakang dengue information drive.
Mula sa rekomendasyon ng Department of Health (DoH), kalimitang isinasagawa ang gawain sa paraang “stop, look and listen.”
Ayon sa ahensiya, nangangahulugan ang “stop” ng paghinto sa anumang ginagawa upang gawin ang trabaho para kontrolin ang pagdami ng lamok.
Pagpatak ng 4:00 ng hapon, bawat nakatalagang grupo ay kinakailangan hanapin ang mga ‘breeding sites’ ng mga lamok na may dalang dengue at magsagawa ng sistematikong paghahanap at sirain ang mga lungga upang masugpo ang mga ito.
Tumutukoy naman ang “listen” sa pagsunod sa panuntunang ibinigay ng lokal na pamahalaan para sa maayos na pagpapatupad ng ‘4 o’clock habit’ kada araw.
Magsasagawa naman ang grupo ng mga health workers, mula sa lungsod at probinsyal na pamahalaan ng Ilocos Norte, ng ‘vector surveillance operations’ upang matukoy ang mga lugar na malaki ang posibilidad ng pagkakaroon ng kaso ng dengue.
“We are collecting larva to test if these are positive of aedes aegypti and at the same time, to conduct information drive in the locality,” pahayag ni Connie Bagaoisan, health worker mula Ilocos Norte.
Para naman sa mas maayos na koordinasyon, nagtatag din ang lokal na pamahalaan ng dengue emergency hotlines para sa mga residente sa panahon ng emergency: 770-5228 (City Health Office); 773-1992 (Community Affairs Division); at 772-8826 (638) (Laoag City General Hospital).
Mula Enero hanggang Hulyo ng taong ito, nakapagtala ang City Health office ng mahigit 60 kaso ng dengue kung saan isa ang naitalang namatay. Karamihan naman ng mga pasyente ay mga bata mula sa elementarya.
PNA