MARAMING nagtanong kay Direk Chito Roño, sa presscon ng Signal Rock, na entry ng kanyang CSR Productions sa 2018 Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP) kung ano ang ibig sabihin ng kanyang project.
“Ang totoong kuwento ng Signal Rock ay tungkol sa ordinaryong tao sa probinsiya na remote,” kuwento ni Direk Chito. “Mga taong lahat ng kasama nagsipag-abroad, ito ang lugar na iniiwan para makapagbigay ng suporta sa mga pamilya nila.
“Marami na tayong kuwento ng mga OFW, pero ito ang kuwento ng mga taong naiwanan sa probinsiya na kung tawagin ay Bagtik. Ito iyong aakyat ka sa mataas na bato para lamang makakuha ng signal ang tatawag sa kanilang mga mahal sa buhay.
“Matagal ko nang gustong gawin ito, may nagsabi na ibigay ko sa Maalaala Mo Kaya, pero sayang naman kung hindi isasalin sa pelikula.”
Kung may isang reason para panoorin ng mga tao ang Signal Rock, ito ay ang napakaganda ngunit nananatiling liblib na Biri Island sa Samar.
Proud and honored si Christian Bables na siya ang nakapasa sa audition na ibinigay ni Direk Chito sa role niya bilang si Intoy, na naiwanan ng kanyang kapatid para mag-alaga sa kanilang mga magulang.
Iba ang ginawang pagdidirek ni Direk Chito sa kanyang mga artista; hindi siya nagbibigay ng script at pinababasa lamang niya ang mga lines ng mga ito kapag malapit nang mag-take. Kumbaga, ang mga artista na ang bahalang dumiskarte kung ano ang iaarte nila sa eksena.
Ayon kay Christian, dahil gusto niya talagang makatrabaho si Direk Chito ay ginawa niya ang lahat para ibigay ang hinihingi sa eksena. May mga eksena raw siya na first time lamang niyang ginawa, at thankful siya na nakapasa siya sa mahusay na direktor.
Ikinuwento rin ni Direk Chito na 15 days silang lahat na nag-stay sa Biri Island para maging realistic ang eksena.
Kasama rin ni Christian sa pelikula sina Elora Espano, Mara Lopez, Francis Magundayao, Daria Ramirez, Arnold Reyes, Nanding Josef, Archie Adamos, at marami pang iba.
Mapapanood na ang Signal Rock sa August 15 -21, 2018, at ang Regal Films ang distributor nito.
-Nora V. Calderon