MALAYO pa man ang 2019 election ay unti-unti nang nararamdaman ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) ang krimeng idudulot nito sa ating bansa, partikular na ang mga pag-ambush at pagpatay sa mga pulitiko at maging sa pinagtitiwalaan nilang tauhan, na mga kakandidato sa parating na halalan.

At sana’y mali naman ako sa aking hinala na habang papalapit na ang halalan ay may magkakasunod na malaking krimeng magaganap, bukod pa ito sa mga nangyaring mga pagpatay sa ilang pulitiko. Ang mga krimeng ito ang tinatawag kong “seasonal crimes” -- gaya ng kidnap for ransom, malalaking bank robbery at pagholdap sa mga money changer, na noon pa’y napatunayan na ng mga kilala kong batikang imbestigador at operatiba ng PNP, na ginagawang source ng “campaign funds” ng ilang tusong pulitiko sa iba’t ibang panig ng bansa.

Ito ang pangunahing dahilan kung bakit kapag paparating na ang eleksyon ay nagsusulputan naman ang mga “private army” -- na armado ng matataas na kalibre ng baril -- ng mga pulitikong tatakbo sa parating na halalan. Depensa ng mga pulitiko, kailangan nila ang mga “armadong bodyguard” dahil sa mga banta sa kanilang buhay mula sa kalabang pulitiko. Ngunit ayon naman sa mga intelligence operative ng pulis at militar, ang mga “bodyguard” na ito ay kadalasang “monitored” nila, na ang “sideline” ay ang mga nabanggit kong krimen.

Kaya ‘di kataka-taka ang biglang pamamayagpag noong dekada ‘80 at ‘90 ng mga dating bodyguard ng ilang pulitiko na naging “bigtime criminal gang” – sino ang makakalimot sa mga ito: “Kuratong Baleleng Gang”; “Ozamis Boys” at maging sa “Red Scorpion Group” na binuo naman ng mga makakaliwang grupo.

Ngunit ‘wag na ‘wag ninyong ipagkamaling ihahanay ang mga ito sa madalas na ninyong marinig sa radio, mapanood sa TV, at mabasa sa mga pahayagan na mga GANG --- na gaya ng Akyat-Bahay Gang, Bahala Na Gang, Budol-Budol Gang, Dugo-Dugo Gang, Martilyo Gang, Salisi Gang, Zesto Gang, Satanas Gang, at marami pang iba. Piyait lamang ito kumpara sa nauna ko nang nabanggit na mga crime group!

Dito pumasok noon ang tinatawag na ALUNAN DOCTRINE, ang pangunahing instrumento ng administrasyon ni Pangulong Fidel V. Ramos na ginamit upang mabuwag ang mga “private armed group” ng mga matitigas na pulitiko sa buong bansa – dinisarmahan ang mga ito ng mga pulis at militar batay sa inilatag na police operation na “Oplan Paglalansag” – na hindi nakapiyok dahil sa walang sinisino ang pagpapatupad nito.

Naaalala ko rin na naging “very effective” ito at ang naging bida sa mga operasyong ito noon ay ang Department of Interior & Local Government (DILG), sa ilalim ng pamumuno ni “Tiyo Paeng” – ang “terms of endearment” naming taga-media noon kay Secretary Rafael Alunan. Si Pangulong Rodrigo Duterte naman ang nagbansag ng ALUNAN DOCTRINE sa Oplan Paglalansag, dahil sa matagumpay niya itong nagamit sa Davao City bilang Mayor nito noon.

Ang ALUNAN DOCTRINE din ang pangunahing dahilan kaya sa unang pagkakataon – ang eleksyon noon sa Cavite na palaging may pinakamaraming naitatalang napapatay — ay walang naitalang nagkasakitan man lang dahil sa baril!

Sa Oplan Paglalansag – na dapat ay ipinatutupad pa rin ng PNP sa buong kapuluan – dapat ay dalawang armadong bodyguard lang ang ibigay sa isang pulitiko. Kapag sumobra, kahit na isa lamang, ay ituturing na itong “private armed group” na dapat buwagin.

Ayon kay Tiyo Paeng, ang pagpili ng dalawang ibibigay na bodyguard ay dapat na nasa pagpapasiya ng PNP at hindi sa mga pulitikong humihingi nito dahil dito nag-uugat ang pang-aabuso.

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]

-Dave M. Veridiano, E.E.