GUSTO naming isiping nahihiya ang character actress sa taong ginamit niyang guarantor nang umutang siya sa bangko kamakailan, kaya hindi niya ito pinansin kahit na magkasalubong pa sila.
Ang character actress at ang taong ginawa niyang guarantor ay nagkatrabaho sa isang TV network at naging super close sila, dahil TV executive ito.
Palibhasa may pinagdadaanan noon ang character actress sa kanyang pamilya at gipit sa pera kaya naihinga niya ito sa TV executive, na walang idea na ginawa pala siyang guarantor ng aktres.
Hanggang sa nawalan na sila ng contact, dahil itong si character actress ay nagpalipat-lipat na ng network pagkatapos ng show nila ni TV executive.
Hanggang isang araw ay si TV executive na ang tinatawagan ng bangko, dahil hindi raw nakakapaghulog ang character actress sa inutang nito.
Dedma naman ang TV executive, dahil katwiran niya wala siyang alam at hindi na rin sila nagkikita ng character actress.
Heto na, sa isang malawakang showbiz event ay nagkasalubong sina TV executive at character actress at laking gulat ng una dahil nilampasan siya ng huli na parang walang nakita at dire-diretsong umalis kaagad sa pagtitipon.
Nagtataka ang TV executive kung bakit naging ganun ang trato sa kanya ng character actress, pero hindi na lang niya ito hinabol para kausapin. Ang nanggigil ay ang kaibigan ng executive na nakakaalam ng buong kuwento, dahil sinadya raw silang hindi pansinin ng aktres dahil nga sa atraso nito sa bangko.
In fairness, kaliwa’t kanan ang projects ni character actress, mapapelikula at TV show, pero bakit kaya hindi siya makapagbayad sa utang niya sa bangko?
“Hirap pa rin ateng, kita mo nga siya lang ang inaasahan ng pamilya. Walang trabaho ang asawa. Hindi naman kalakihan ang talent fee niya,” sabi sa amin ng taong kilala ang character actress.
-Reggee Bonoan