TIMING ang mediacon ng pelikulang Signal Rock, na entry ng CSR sa 2018 Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP) at mapapanood na sa Agosto 15 -21, sa direksiyon ni Chito S. Rono at distributed naman ng Regal Entertainment. Hindi kasi malinaw ang audio ng public speaker na ginamit dahil static ang microphone kaya nagkakabiruan na “signal rock” kasi.
Ang Signal Rock ay passion project ni Direk Chito na kinunan mismo sa sariling bayan niya sa Samar.
Aniya, kuwento ito ng mga taong nasa probinsiya na medyo backward pa ang uri ng pamumuhay, na ang mga babae ay nagtatrabaho sa bar o cabaret noong araw, o kaya nag-aasawa ng foreigner na siyang aasahan ng buong pamilya.
At dahil kuwentong pamumuhay sa probinsiya ay na-tackle na mahina ang signal ng cell phones, kaya kinailangang umakyat sa mataas na lugar ang mga nakatira para makakuha ng signal.
Halos lahat ng cast ay dumaan sa audition, ayon kay Direk Chito.
“Pinag-reading ko sila sa script. Pinaaral ko talaga ‘yung character nila.”
Base sa trailer ng Signal Rock, gagampanan ni Christian Bables ang karakter na Intoy, isang island boy, na gagawin ang lahat upang manatiling intact ang kanyang pamilya.
Samantala, pagkatapos ng presscon ng Signal Rock ay natanong si Direk Chito bilang manager ni Vhong Navarro, na nabasura na nang tuluyan ang kasong rape na isinampa ni Deniece Cornejo laban dito, noong 2014.
“Siyempre, masaya kami. Although, ever since naman, naniniwala akong walang kaso, talagang ginulo lang siya,” sabi ni Direk Chito tungkol kay Vhong.
“Kasi kilala ko si Vhong, eh, wala naman siyang tendency mangganun, eh, na hina-harass siya. Kasi, unang-una talaga no’n, pinagkakaperahan lang talaga siya.
“Kami, tahimik na lang tayo kasi tapos na ang kaso, ayoko nang mag-ingay, pero siyempre, si Vhong masaya. ‘Yun lang, opinyon ko lang ‘yung sinabi ko, hindi opinyon ni Vhong.”
Bagamat tapos na ang kaso ay inamin ng manager ni Vhong na hindi pa rin nakaka-move on ang TV host/comedian.
“Takot pa rin siyang lumabas kasi, alam mo naman, kung may anu-ano pa kaming naririnig na (banta). Alam naman namin ‘yung mga track record, ‘yung mga nang-ano sa kanya, taga-Samar pa nga ‘yung isa na nambugbog sa kanya, na mga goons talaga. So, natakot lang kami,” pagtatapat ng direktor.
Nabanggit pa niya na hindi pa tapos ang kaso ni Vhong sa mga bumugbog sa kanya, kaya hindi pa rin lubos na panatag ang kalooban ng It’s Showtime host.
-Reggee Bonoan