NIREREBISA ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang kasalukuyang memorandum of understanding (MOU), katuwang ang Department of Public Works and Highways (DPWH), upang paigtingin ang pagtutulungan ng dalawang ahensiya para sa programang “Build, Build, Build” ng pamahalaan.

Prayoridad ngayon ng TESDA ang probisyon para sa libreng pagsasanay o infranstructured-related technical and vocational education and training (TVET), lalo’t nangangailangan ang Build, Build, Build ng nasa 200,000 construction workers.

“We highlighted in the updating and revision of MOU our support to the ‘Build, Build, Build’ (program), and the involvement of DPWH, particularly its Bureau of Equipment, in skills training and assessment of construction workers,” pahayag ni TESDA Planning Office executive director Marissa Legaspi, nitong Miyerkules.

Idinagdag din niya na kasalukuyan nang isinasapinal at sinusuri ng dalawang departamento ang MOU.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

“We target this MOU to be signed this year, probably by August or September,” ani Legaspi.

Ayon sa TESDA, nakalagda na ito ng MOU at ang DPWH noong 2006. Sa ilalim ng MOU, tutulong ang TESDA sa pagsasanay at pagtataya ng mga heavy equipment operator ng DPWH.

Habang sa nirebisang MOU, ikinokonsidera ng TESDA na gawing tagasanay at tagataya ang mga inhenyero ng DPWH. Isang kurso ang ibibigay upang ihanda sila bilang mga tagasanay at tapagtaya ng iba pang skilled o qualified construction-related workers.

Bilang bahagi naman ng DPWH, magbibigay ito ng practicum and administration venues, ayon sa TESDA.

Nagtutulungan na rin ang dalawang ahensiya para sa paglikha ng competency standards, competency-based curriculum at competency-based learning materials para sa equipment operators at technicians.

Una nang sinabi ni Legaspi sa PNA na maaaring makatulong ang DPWH sa pagbibigay ng mga trabaho sa mga nagsasanay sa TESDA, lalo’t malaki ang kinakailangan nito para sa konstruksiyon.

Bukod diyan, nais din ng DPWH na mabigyan ang mga skilled worker nito ng national certification (NC), na ibinibigay ng TESDA, aniya.

Samantala, nabanggit din ng TESDA na 81 heavy equipment operators at engineers mula sa DPWH-BOE ang nakapasa sa pagtataya ng TESDA nito lamang Hulyo 14-15.

PNA