“KAMANGHA-MANGHA na malumanay na inihayag ng Pangulo ang kanyang State of the Nation Address (SONA) at hindi siya humiwalay sa kanyang nakahandang talumpati maliban sa ilang isinisingit niyang pananalita,” wika ni Sen. Ping Lacson. Gayunman, aniya, malinaw niyang naihayag ang kanyang mensahe. Kasi, sa mga nauna niyang SONA, halos isinantabi niya ang kanyang preparadong talumpati.
Galit, nagmura at nagbanta siya sa kanyang 90-minutong SONA noong 2016 at sa 120 minutong SONA noong 2017. Tumagal naman ng mahigit 35 minuto ang kanyang ikatlong SONA, at hindi siya kinaringgan ng pagmumura. Nangyari nga ang sinabi ni Presidential Legal Adviser Sal Panelo nang makapanayam bago ang SONA. “Pero, hindi maiaalis na humaba ito kapag ginanahan siyang magsalita mula sa puso, na kadalasan ay ginagawa niya.” Ayon kay Panelo.
Sa kanyang ikatlong SONA nitong Lunes, mababakas na wala siyang sigla. Sa paglabas niya sa holding room ng Batasang Pambansa kung saan siya namamalagi, bakas ang lungkot at galit sa kanyang mukha. Paano naman, hindi na nakapaghintay ang mga mambabatas ng Kamara na palitan si Pantaleon Alvarez ni Gloria Arroyo bilang speaker. Ginawa nila ang botohan ilang minuto bago ipahayag ng Pangulo ang kanyang SONA sa ganap na 4:00 ng hapon. Naantala tuloy ng mahigit isang oras ang SONA. Kung si Senate President Tito Sotto ang paniniwalaan, nais na sana niyang mag-walk out. Kinailangan niyang maghintay dahil nilulutas pa ang isyu kung sino kina Alvarez at Arroyo ang uupo sa rostrum sa joint session ng Kongreso.
Bukod dito, may dinaramdam na ang Pangulo. Inamin ni Presidential Spokesperson Harry Roque na nagtungo ang Pangulo sa Cardinal Santos Hospital para sa regular checkup noong Linggo ng gabi. “Nagtagal siya ng isang oras at kalahati para sa routine examination at ideneklara siya na nasa maayos siyang kalagayan,” ayon kay Roque. Mula noon, aniya, ay hindi na siya nagtungo sa anumang ospital bilang reaksiyon niya sa kumakalat na balita na baka siya ay may matinding karamdaman. Pero, fake news o tsismis man ang balitang ito, sa mukha ng Pangulo nang magpakita siya sa kanyang nakaraang SONA ay wala siyang sigla. Lungkot ng isang may dinaramdam ang mababakas sa kanyang mukha.
Malaking bagay iyong ipinagdasal siya ng Simbahan, nawala na ang kanyang pagmumura.
-Ric Valmonte