Umaasa ang Malacañang na magkakaroon na kapayapaan sa Mindanao matapos lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Bangsamoro Organic Law (BOL) nitong Huwebes ng gabi.

Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na umaasa ang Palasyo na ibababa na ng mga rebeldeng Muslim ang kanilang mga armas ngayong tinupad na ng gobyerno ang pangako nitong bibigyan sila ng autonomy.

“Itong pagpasa po ng BOL ay isa talaga iyan sa precondition para magkaroon na ng kapayapaan sa panig ng gobyerno at ng MILF (Moro Islamic Liberation Front),” aniya.

“Inaasahan po natin na kapag nakita ng mga kapatid nating Muslim na tumupad tayo sa ating pangako at kapag nakita natin na pupuwede talagang mabuhay ng mapayapa ang mga Kristiyano at ang ating mga kapatid na Muslim diyan sa Muslim Mindanao, eh inaasahan po natin, lahat po ng grupo na nakikipaglaban sa gobyerno ay makikipag-usap na rin at ibaba ang kanilang mga armas,” idinugtong niya.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Ayon sa opisyal ng Palasyo, hahayaan na ngayon ng gobyerno ang Bangsamoro Autonomous Region na namnamin ang tunay na self-rule at autonomy.

“Bagama’t sila ay kabahagi po ng Republika ng Pilipinas, ay bibigyan natin sila ng pagkakataon na mabuhay sang-ayon sa kanilang kultura at pananampalataya,” ani Roque.

Nitong Huwebes ng gabi, inihayag ni Pangulong Duterte na kahit na nalagdaan na niya ang BOL, sa pakiwari niya ay hindi pa rin masisiyahan ang lahat sa Mindanao. Gayunman, umaasa siya na kagad na maaayos ang mga hindi pagkakaunawaan.

“Napirmahan ko na ang BBL. I have no expectations, baka hindi magustuhan ng lahat,” aniya. “Tingnan natin kung kaya i-modify, palitan. ‘Yung ma-disappoint, mag-giyera agad.”

Opisyal nang tinatawag na Organic Law for the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (OLBARMM), ang BOL ay bunga ng ilang dekadang peace negotiations sa pagitan ng gobyerno at ng mga rebeldeng grupo sa Mindanao, partikular a na ang MILF. Itatatag ng OLBARMM ang Bangsamoro Autonomous Region na papalit sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

Pinuri ni Senador Nancy Binay ang BOL na kasagutan sa problema sa gulo sa Mindanao.

Umaasa naman si Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na magiging makabuluhan ang BOL at maghahatid ng kauunlaran at katiwasayan sa Mindanao.

Para kay Anak Mindanao (AMIN) Party-List Rep. Amihilda Sangcopan, sulit ang lahat ng mga pagsisikap para malagdaan ang BOL.

“Indeed, it was not an easy fight but with the perseverance and commitment of our legislators who made the ratification possible, it is definitely worth all the hopes and efforts,” aniya.

-ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS, LEONEL M. ABASOLA, at ELLSON A. QUISMORIO