MATAGAL nang kritiko si Chief Justice Antonio Carpio ng Pilipinas hinggil sa tindig nito sa inaangking mga isla sa South China Sea. Gayunman, matapos ang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte nitong Lunes, malugod nitong tinanggap ang pahayag ng Pangulo na hindi mag-aalinlangan ang Pilipinas na ipaglaban ang karapatan nito sa SCS, partikular sa bahaging malapit sa ating baybayin na tinawag nating West Philippine Sea (WPS).

Si dating Pangulong Benigno S. Aquino III ang naglabas ng Kautusang Administratibo Blg. 29 noong Setyembre 5, 2012, na nagpapalit sa kanlurang katubigang ng Zambales at Palawan na nasa loob ng baseline ng Philippine archipelago sa ilalim ng Baselines law, RA 9522, at nasasakop ng 370-kilometrong Exclusive Economic Zone (EEZ) sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS). Hindi ito teritoryo ng Pilipinas ngunit may malaya tayong karapatan para paunlarin at gamitin ang yaman—ang katubigan, kailaliman nitong bahagi at ang likas nitong yaman sa ilalim ng dagat, at ang produksiyon ng enerhiya mula sa agos tubig at hangin.

Isang bahagi sa kanluran ng katimugan ng Palawan ang inaangkin din ng Malaysia, subalit pinakamalaking pang-aangkin ang ginawa ng China na sinasabing 80 porsiyento ng katubigan sa pagitan ng pangunahing lupain ng Asya at ng Pilipinas, ayon sa itinatakda ng nine-dash line sa mapa nito, ang sakop nitong teritoryo. Matapos ang stand-off sa pagitan barko ng Pilipinas at China sa Panatag o Scarborough Shoal sa kanluran ng Zambales, na sakop ng EEZ ng Pilipinas, idinulog ng Pilipinas noong Enero 22, 2013 ang isyu sa UN Arbitral Court sa The Hague, na nagpasiya noong Hulyo 12,2016, kontra sa pang-aangkin ng kapangyarihan ng China. Subalit hindi kailanman kinilala ng China ang hatol na ito at hindi naipatutupad hanggang ngayon.

Sa pagsisimula ng kanyang administrasyon noong 2016, pinili ni Pangulong Duterte ang polisiya ng kooperasyon, imbis na komprontasyon sa China. Nagdulot ang polisiyang ito ng maraming benepisyo sa ekonomiya, kabilang ang mga tulong at mababang-interes na pautang mula China. Ngunit maraming kritiko, kabilang si Justice Carpio, ang nagbabala na ang kawalan ng aksiyon at pananahimik ng Pilipinas sa isyu ay maaaring ipalagay na pagpayag ng Pilipinas, na hahantong sa pagkawala ng lahat ng ating mga napagtagumpayan sa Arbitral Court.

Nitong Lunes, sa kanyang SONA, muling inihayag ni Pangulong Duterte ang tindig ng Pilipinas sa isyu. Sinabi niya na hindi isinusuko ng Pilipinas ang karapatan nito sa West Philippine Sea sa kabila ng matatag nitong ugnayan sa China.

“That is the correct position. We should never give up our rights there,” pahayag ni Justice Carpio. “We can continue to trade with China, while we continue to defend our sovereign rights.”

Sa tuwirang deklarasyon ng Pangulo sa kanyang SONA, walang sinuman ang makapagsasabi ngayon na pumapayag tayo sa pang-aangkin ng China sa ating mga isla sa West Philippine Sea. Pinili lamang nating idaan ang ating laban sa diplomatikong paraan, kabilang ang ating tulong na pagsisikap katuwang ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na bumuo ng Code of Conduct kasama ang China para sa pinag-aagawang dagat na idinesenyo upang maiwasan ang sigalot na maaaring mabilis na humatong sa digmaan.

May ilan sa atin na nagnanais nang mas direktang aksiyon mula sa Pangulo sa West Philippine Sea. Nagagalak tayo sa pagkilala at pagtanggap ni Chief Justice Carpio sa tuwirang deklarasyon ng Pangulo sa kanyang SONA, na tumitindig tayo sa ating mga karapatan. Hindi man malaki ang ating magawa hinggil sa ating inilalaban sa ngayon, ngunit patuloy nating susubukan sa pamamagitan ng diplomatiko at iba pang mapayapang paraan hanggang minsan sa hinaharap, sa wakas ay makamit natin ang ating tunguhin