Binatikos ang website ng Freedom of Information (FOI) dahil sa sobrang honest nitong mga entry tungkol sa directory ng mga ahensiya ng gobyerno.

Nitong Martes, nag-post ang Twitter user na si @peepaubau ng mga screenshot ng directory numbers section ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno na nasa FOI website.

Subalit sa contact numbers ng Maritime Industry Authority (MARINA) at ng Office for Transportation Security, binulaga siya ng pag-amin na hindi alam ng website ang mga fax number ng mga nabanggit na ahensiya.

Sa halip na mga dashes (“--”) gaya ng matatagpuan sa ilang entries, ang nakalagay sa dalawang ahensiya ay “D koalam eh” at “D ko din alam”.

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

“Grabe talaga tong gobyernong ito, consistent everywhere.’Di ko alam’ entries are published sa government website,” tweet ni @peepaubau.

Nag-post din siya ng video ng kanyang sarili habang sinisilip ang nasabing mga website upang patunayan na hindi edited ang mga post niyang screenshots.

Kaagad namang inalis ang mga “Di ko alam” entry, pero inulan na ito ng batikos ng mga netizen.

Sumagot na sa Twitter user ang opisyal na Twitter account ng FOI website, na pinangangasiwaan ng FOI-Project Management Office ng Presidential Communications Operations Office (PCOO).

“Please be informed that we have since removed the error you have identified,” tweet ng PCOO. “We appreciate your continued support as we work towards improving our services in providing you more up-to-date and accurate through FOI Philippines.”

Paliwanag ni PCOO Assistant Secretary for Policy Kris Ablan, program director ng FOI program, ang mga nasabing entry ay encoded ng dating third-party information technology (IT) provider, at sa ngayon ay naisaayos na ito.

-Argyll Cyrus B. Geducos