Itinuloy na kahapon ng Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) ang pagbasa ng sakdal sa nakakulong na si Senator Leila de Lima sa isa sa tatlong kasong kinakaharap nito na may kinalaman sa droga.
Gayunman, tumanggi ang senadora na magpasok ng kanyang plea nang basahan ito ng kanyang kaso sa sala ni Muntinlupa RTC Branch 206 Judge Lorna Navarro-Domingo.
Isinagawa ang arraignment proceedings nang ibasura ni Domingo ang isinampa nitong motion for reconsideration at motion to dismiss the case.
“I refuse to enter any plea. I don’t recognize the validity of the charges against me,” pagmamatigas ng senadora sa harap ng hukom na naging dahilan upang magpasok na lamang ng “not guilty” plea ang korte para sa kanya.
Ikinatwiran din ni de Lima na hindi niya kinikilala ang mga isinampang kaso laban sa kanya, kaya hindi na rin siya naghain ng petition for bail.
Kabaligtaran naman ito sa kanyang mga kasamahang akusado na sina dating Bureau of Corrections director Franklin Jesus Bucayu, Ronnie Dayan at Joenel Sanchez na nag-plead ng not guilty sa nasabing arraignment at naghain na rin sila ng petisyon para makapagpiyansa.
-Jonathan M. Hicap