NITONG Lunes, Hulyo 23, pa ginanap ang celebrity screening ng Buy Bust sa Trinoma Cinema 7 pero mainit pa ring pinag-uusapan ito ng mga nakapanood sa mga dinaluhan naming events nitong nakaraang araw.
“In fairness, lumebel naman ang Buy Bust sa OTJ (On the Job) ni Direk Erik (Matti), pumantay. Ang pagkakaiba lang, babae ang bida sa Buy Bust kaya kabibiliban mo talaga.
“Dito kasi sa atin (Pilipinas) puro lalaki (bida) kapag action, this time si Anne (Curtis) kaya nakakagulat,” pahayag ng beteranang kolumnista.
Tuloy pa rin kami ng pakikinig sa kuwento.
“Ang nakakagulat ‘yung Arjo Atayde. Ang galing pala no’n. Though napanood ko na siya sa Probinsiyano at magaling talaga, humanga na ako. Pero dito sa Buy Bust, ibang galing ang ipinakita, ang tindi niya. Malayo ang karakter niyang Joaquin (Tuazon) sa Biggie Chen. Akalain mo siya pala si Biggie Chen?”
Sa umpisa kasi ng Buy Bust ay hinahanap na si Biggie Chen (karakter ni Arjo) dahil sakit siya ng ulo ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA). Siya ang nasa likod ng malaking gawaan at bentahan ng droga sa buong Maynila.
“Siyempre simula hindi mo iisipin na si Arjo, kasi pati ‘yung mga PDEA walang picture kung sino si Biggie Chen, so lahat nag-aabang. Tapos through the ending bigla siyang ipinakita, siya pala ang hinahanap nina Anne,” sabi naman ng kilalang entertainment editor.
“Kasi during the presscon hindi sinabi ano role niya, ‘di ba? So, habang nanonood ka, nawala na sa isip mo si Arjo. Kasi halos lahat ang gagaling, lalo na ‘yung komedyante, sino nga ba ‘yun (Alex Calleja), si Teban? Actually lahat sila magagaling, walang hindi magaling sa cast.”
Iisa ang sabi rin ng mga imbitadong hindi related sa showbiz: “Ang ganda ng movie, hard action talaga, natimbog na naman ni Direk Erik. Nakuha na niya ‘yung niche niya sa action”
May naringgan din kaming TV executive: “’Yung Arjo, matindi ha, mainit sa mata. He’ll go places, abangan mo.”
At dito kami na-touch (dahil kilala namin si Arjo) sa sinabi ng isa pang entertainment editor na hindi namin babanggitin ang pangalan.
“Nu’ng una kong marinig na artista na si Arjo, kibit-balikat lang kasi siyempre anak siya ni Sylvia Sanchez, so ganu’n naman talaga sa showbiz, ‘di ba? Susunod sa yapak nila ang mga anak.
“Nu’ng napanood ko siya sa Probinsiyano, sabi ko ay may ibubuga naman pala, puwede naman pala. Inisip ko, ah kasi anak ni Sylvia Sanchez kaya mahusay, may pagmamanahan. So, ganu’n.
“Tapos sa hindi ko maintindihan, pinapanood ko sa YouTube ‘yung sa kanila ni Sue Ramirez, hindi ko alam pero kinikilig naman ako. Light lang ang acting ni Arjo pero nakakakilig, so for him para ma-hook niya ‘ako o ‘yung iba rin, I don’t know I don’t ask naman at saka hindi naman ako nagkukuwento, ang galing niya.
“Puwede siyang leading man, mabait at puwede siyang kontrabida. Alam mo ‘yun, kaya niyang mag-switch sa iba’t ibang role na hindi pare-pareho. ‘Pag ganu’n kasi ang artista, magaling.
“Siyempre marami rin kaming nakakatsikahan sa production at wala kaming narinig na against kay Arjo, super bait daw talaga at grabe makisama,” seryosong kuwento sa amin ng editor.
Maraming papuri pang ikinuwento sa amin lalo na sa isang event na alam naman daw ni Arjo na wala siyang mapapala pero pinuntahan niya ito at nakiisa sa pagdiriwang considering na may flight ang aktor at kinansela niya ito.
Sabi namin na sadyang mabait ang anak nina Sylvia at Art Atayde, dahil bata palang ay busog na sa pangaral at disiplina. Lalo na ang ina ng aktor na talagang hindi niya tinatantanan ang mga anak kapag may maling nagawa o nakarinig ng hindi maganda.
Kabilin-bilinan kasi ni Ibyang sa mga anak na igalang ang lahat ng tao maski na anong estado nito sa buhay at huwag maging madamot at laging nakatapak ang mga paa sa lupa.
“Sinabi ko sa kanila (Arjo at Ria) paulit-ulit na oras na may marinig akong hindi maganda na ginawa nila o kahit maliit na bagay lang, wala silang karapatang manatili sa showbiz.”
“Pero maski na anong bilin mo sa mga anak mo, kung sadyang may ugaling hindi maganda, lalabas ‘yun, eh. Sa nakikita namin kay Arjo, maganda ang puso niya, mabait siyang tao talaga,” sabi naman ng taga-production na nakasama ng aktor sa Buy Bust.
Anyway, maganda rin ang mga narinig naming feedback sa mga nakapanood ng Buy Bust sa UP Film Center nitong Miyerkules, at mapapanood na ang pelikula nationwide sa Agosto 1 mula sa Viva Films at Reality Entertainment.
-REGGEE BONOAN