SA pagsapit at panahon ng tag-ulan, nagaganap ang pagsalanta ng bagyo at ang pag-iral ng hanging Habagat. At kapag sinabing bagyo, ang hatid na nito ay takot at pangamba lalo na sa mga kababayan natin sa mga lalawigan na dinaraanan at hinahagupit ng bagyo. Kapag tinamaan at nahagupit ng bagyo ay matinding pinsala ang bunga nito sa buhay at kabuhayan. At ang nakalulungkot ay kung may mga namatay pa sa pananalasa ng bagyo. Lugmok na ang kabuhayan ay matindi pa ang dalamhati ng mga naulila at namatayan ng kamag-anak. Buwan at kung minsan ay taon ang bibilangin bago tuluyang makabangon ang mga taong napinsala ng bagyo na tinulungan ng pamahalaan.
Ang Habagat ay pinalalakas ng bagyong dumaraan sa ating bansa. Malalakas na mga pag-ulan ang dala ng Habagat. Matapos ang malakas na mga pag-ulan, kasunod na nito ang mga pagbaha. Umapaw ang ilog. Na nagiging sanhi ng pagbaha sa mga lansangan. May lampas-tuhod ang taas na tubig-baha, may hanggang baywang at kung naging matindi ang pag-ulan, hanggang leeg ang taas ng tubig. Bangka na ang ginagamit ng marami para makapaglakbay.
Ang mga apektado naman ay inililipat sa mga evacuation center at doon dinadalhan ng tulong ng pamahalaan, ng iba’t ibang civic organization at mga samahan. Sa tatlong magkakasunod na bagyo na dumaan nitong Hulyo, nalubog sa baha ang mga bayan at lungsod sa Pangasinan, Bulacan, Pampanga at Nueva Ecija. Binaha rin ang Metro Manila na naging dahilan ng suspensiyo ng mga klase sa mga public at private school.
Sa mga lalawigan na may malalawak na bukirin at taniman ng palay, sa taas ng tubig-baha ay nagmimistulang dagat ang lumubog na palayan. Ang masaklap pa ay nagsisimula nang magbuntis ang mga uhay ng mga tanim na palay. Ang ibang mga tanim na palay ay nag-uumpisa na ring maglihi. Bumaba man ang tubig-baha, sa panahon ng anihan ay higit na marami ang tulyapis o palay na walang laman.
Ang panahon ng tag-ulan, pagsalanta ng mga bagyo at pag-iral ng hanging Habagat ay nagsisimula sa Hunyo hanggang sa kalagitnaan ng Oktubre. Hindi na malilimot ang pananalasa ng bagyong Yolanda noong Nobyembre 8, 2013 na hinagupit ang Tacloban City, Leyte. Mahigit na 6,000 katao ang namatay at libo rin ang hindi na natagpuan na nalibing sa putik. Sila’y pinabaunan na lamang ng dasal ng nagdadalamhati nilang mga kamag-anak. Ang mga trahedyang ito ay sinasabing bunga ng climate change at global warming.
Isang 98-anyos na dating mangingisda sa Laguna de Bay na taga-Angono, Rizal ang nakausap ng inyong lingkod. Naitanong ko ang tungkol sa bagyo at Habagat noong kasagsagan ng kanilang pangingisda sa lawa. Nabanggit ni G. Meto Unidad, natatandaan niya na ang panahon ng tag-ulan ay nagsisimula sa huling linggo ng Mayo hanggang kalagitnaan ng Oktubre. Kung tag-ulan, sumisimoy ang hanging Habagat. At sa kalagitnaan naman ng Oktubre, nagsimula ang hanging Amihan na malamig ang simoy. Umulan man noon ng sunud-sunod na araw, hindi lumulubog sa baha ang mga kalsada. Sa ilog lamang bumabaha. Ang baha ay tuloy-tuloy ang agos sa Laguna de Bay na pinagkukunan ng ikinabubuhay ng mga mangingisda, na sagana pa sa nahuhuling mga isda. Malinaw naman ang tubig ng lawa sapagkat regular na pumapasok ang tubig-alat mula sa ilog Pasig.
Ayon pa kay G. Unidad, maaaring ang pagbaha ngayon ay bunga na rin ng pagkalbo ng ating mga bundok at gubat. Idagdag pa ang pagmimina. Dahil dito ay natabunan ang mga likas na daanan ng tubig tulad ng mga sapa, batis at ilog.
-Clemen Bautista