NAISIN man ni World Cup Bowling Champion Krizziah Tabora na matulungan ang delegasyon ng Pilipinas upang humakot ng medalya sa Asian Games hindi niya kakayanin na makasama sa koponan, bunsod ng kondisyong pangkalusugan.

Nagpaabot ng kanyang paumanhin si Tabora sa pamunuan ng Philippine Bowling Federation (PBF) partikular na sa presidente nito na si Steve Robles na hindi siya makakasama sa Asiad.

Sa sulat, sinabi ng 27-anyos na si Tabora na may iniinda siyang karamdaman na nangangailangan ng atensyon kung kaya’t pinili niya na magpahinga at lumiban sa sa nasabing quadrennial meet.

“I have a serious health condition that involves treatment by a professional health care provider. It is so unfortunate that i am temporarily unable to represent our country in the Asian Games,” ayon kay Tabora.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Umaasa naman si Tabora na agad siyang makababalik sa paglalaro gayung ito na ang kanyang buhay simula pa ng siya ay maging isang ganap na atleta.

“We’ll see. Hopefully makabalik pa ako. Gusto ko din magsorry sa mga sumusuporta po sa akin if na let down ko sila. Hopefully makabalik po ako for them,” pahayag ni Tabora sa panayam ng Balita.

Si Tabora ay nagbigay ng karangalan sa bansa noong nakaraang taon matapos magkampeon sa 2017 QubicaAMF Bowling World Cup.

Tinanghal din si Tabora bilang isa tatlong Athelets of the Year ng Philippine Sportswriters Association (PSA) nitong Pebrero.

Hindi man umano niya ginusto na hindi makasama sa Asiad ngunit kailangan umano niyang unahin ang kanyang kalusugan higit sa lahat.

Nauna na dito, nagpahayag din si Marella Salamat na hindi makalalahok sa cycling event ng Asiad matapos magkaroon ng komplikasyon sa kanyang pag-aaral.

Samantala, hindi na rin makakasama sa nasabing event sa Agosto si James Deiparine ng swimming sanhi naman iniinda nitong injury sa tuhod.

Pinayuhan umano si Deiparine ng kanyang doktor na huwag munang sumali sa kompetisyon upang tuluyang gumaling ang nasabing injury.

-Annie Abad