Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang lalaki na isinasangkot sa pagkawala ng manager ng isang construction firm.
Kinilala ni NBI Director Dante Gierran ang suspek na si Haliwin Borromeo na kilala rin sa mga alyas na Net Borromeo, Jal, at Drex.
Inaresto si Borromeo ng mga tauhan ng NBI’s Task Force Against Illegal Drugs (NBI-TFAID) sa kanyang bahay sa Barangay Santol, Quezon City, nitong Lunes.
Naging matagumpay ang pag-aresto sa suspek sa bisa ng arrest warrant na inisyu ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 1, kung saan siya nahaharap sa kasong carnapping.
Nag-ugat ang kaso sa pagkakasangkot umano ni Borromeo sa pagkawala ni Honorio Pinpin, Jr., manager ng isang kumpanya na may kinalaman sa ready mix concrete business sa Taguig City.
Sabi ni Gierran, iniulat ng pamilya Pinpin na huling nakitang buhay ang biktima noong Agosto 7, 2017 at humingi ng tulong sa NBI at Philippine National Police (PNP).
Kalaunan ay ini-report ng pamilya Pinpin sa PNP na ang sasakyan ng biktima, itim na Toyota Revo (NJO-863), ay nadiskubreng ibinibenta ng isang Dennis Tan.
Agad nagsagawa ng entrapment operation ang PNP na nagresulta sa pagkakaaresto ni Tan.
Isiniwalat ni Tan na binili niya ang sasakyan ng biktima mula sa isang Net Borromeo na kalaunan ay nadiskubreng si Borromeo.
-Jeffrey G. Damicog