Sinibak sa puwesto ang isang bagitong pulis na napanood sa nagkalat na video sa social media na nanampal ng pampasaherong bus driver.

Ayon kay Chief Supt. Guillermo Eleazar, director ng National Capital Region Police Office (NCRPO), ipinag-utos na niyang sibakin si Police Officer 1 Edmar Costo, na maaaring sampahan ng kasong administratibo.

Si Costo, nakatalaga bilang beat patroller ng Police Community Precinct 1 ng Parañaque City, ang pulis na nanampal sa isang bus driver na nakunan ng video ng isang pasahero na nakasaksi sa insidente.

“It’s wrong. He should have not done it because it is contrary to what we swore to do which is to serve and protect the people,” sabi ni Eleazar.

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

Kinumpronta ni Eleazar, kasama si Southern Police District head Chief Supt. Tomas Apolinario, at parurusahan ang parak para sa inasal nito.

Sinabi ni Apolinario na base sa imbestigasyon, unang binalaan ni Costo ang bus driver na kinilalang si Joel Mametis sa pagdudulot ng trapik Roxas Boulevard habang nagsasakay ng mga pasahero.

“He said he was directing traffic control and cautioned the bus driven by the victim for causing traffic. He then went up to the bus to issue Traffic Citation Ticket to the victim,” pahayag ni Apolinario.

“But the driver allegedly attempted to bribe the Police Officer and refused to hand-over his driver’s license,” dagdag niya.

Sinabi ni Costo na sinigawan siya ng bus driver hanggang sa nauwi sa mainitang pagtatalo.

Idinagdag niya na siya ay nainsulto sa ginawa ni Mametis, lalo na ang tumanggi itong ibigay ang driver’s license at tinangkang suhulan.

“He admitted to have slapped the face of victim due to his anger,” sambit ni Eleazar.

Ayon pa kay Eleazar, kung totoo ang sinabi ni Costo ay binalaan dapat niya ang bus driver ng Valisno bus o inaresto sa tangkang panunuhol.

Sinibak na sa puwesto ang pulis at inilipat sa Regional headquarters Support Group ng NCRPO sa Bicutan, Taguig City.

-AARON RECUENCO