SA hinaba-haba ng pakikinig ko sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Lunes, isang bahagi nito ang nakatawag ng aking pansin, kaya matama kong pinakinggan at ninamnam ang mga binitiwan niyang salita hinggil dito.
Mariin ang pagbabantang binitiwan ni Pangulong Duterte sa grupo ng mga rice hoarder at cartel na aniya’y nagpapahirap sa taumbayan at sumasakal sa kabuhayan lalo na ng mga mahihirap nating kababayan. Kabilang na rin sa kanyang binantaan ay ang mga opisyal sa pamahalaan na kumukunsinti sa ilegal na gawaing ito – bilang PROTEKTOR ng mga rice hoarder at cartel.
Ang ilegal na gawaing ito ng mga rice hoarder at cartel ang siyang dahilan ng pagtaas ng presyo ng bigas sa merkado na dapat sana’y nabibili ng mga mamamayan sa mas mababang halaga lamang. Kadalasan pa nga, sa halip na magsaya ang mga mamamayan dahil sobra-sobra ang bigas para sa kanila ay parang magic naman na biglang nawawala ito sa merkado, at kapag unti-unti nang lumilitaw ay sobrang taas naman ng presyo.
May mga pagkakataon pa nga na ang mura at mataas na kalidad ng bigas mula sa National Food Authority (NFA) ay nawawala rin at kapag lumitaw, ay nakasilid na sa ibang sako at mas mahal na ang presyo, ‘di na kakayanin ng bulsa ng mga kababayan nating sadyang pinaglalaanan ng bigas na ito ng pamahalaan!
Tahasang sinabi ng Pangulo sa kanyang SONA na kilalang-kilala na niya ang mga miyembro at nagpapatakbo ng sindikatong ito. Banta niya sa mga ito ay tumigil na sa pagpapahirap sa bulsa ng ating mga kababayan, lalo na ‘yong mga nagdarahop sa buhay. Dahil kung hindi pa rin titigil ang mga ito sa ilegal na gawain, ay hindi siya mangingiming ipataw ang bagsik ng batas na nakalaan sa mga mapagsamantalang katulad nila!
Lumaki ako sa Tondo, Manila – ang sinasabing sentro ng kahirapan ng bansa – ngunit alam ninyo bang kapag taghirap dahil sobrang mahal ng bigas dito na lang sa Metro Manila, ay madalas na nadaraanan ko ang mahabang linya ng truck na may kargang saku-sakong bigas sa may Dagupan Street, sa harapan ng mahabang inosenteng hitsurang gusali, kung saan nakaimbak o itinatago umano sa loob ng compound ng mga sinasabing “rice hoarder” ang libu-libong sako ng bigas!
Kilala naman talaga ang mga ito. Maliit na grupo lamang sila, maikli ang apelyido at sobrang malakas daw sa mga pulitiko. Matagal na silang “identified” bilang mga miyembro ng sindikato ng bigas at ng cartel, ngunit patuloy ang kanilang pamamayagpag sa lipunang kanilang ginagalawan—mga UNTOUCHABLE kumbaga!
Minsan pa nga, narinig ko sa isang umpukan ng mga nagtutulak ng kariton na pinag-uusapan ang kahirapang makabili ng murang bigas, at ang nagbibirong mungkahi noong isang medyo bata sa grupo: “Wala tayong mabiling bigas na mura pero hayan sa loob ng gusaling iyan nakatambak ang libu-libong sako ng bigas na ‘di natin makita sa palengke. Ready ba kayo, pasukin na lang kaya natin?”
Kung totoo ang sinasabi ni Pangulong Duterte na kilalang-kilala na niya ang mga ito, ano pa kaya ang hinihintay niya? Hindi WARNING ang gusto kong marinig. Ang gusto ng mga mamamayan na marinig at makita ay AKSIYON – identified na pala at alam na alam na ilegal ang ginagawa ng mga ito. Dapat ay PANGALANAN, KASUHAN at IKULONG na sila at kumpiskahin ang hino-hoard nilang libu-libong sako ng bigas!
Huwag na nating hintayin na ang mga kumukulong tiyan ng ating mga kababayan ang gumamit ng “kamay na bakal” laban sa sindikatong ito!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.